Fisherman in Tanay, 1992, oil on canvas, 36 x 48

 

Mula kay Kakang-Gata

Kaaya-aya sa unang tingin ang larawan, subali't kaagad sumasagi sa isip ang mapait na katotohanan hinggil sa Laguna de Bai. Naghihingalo na ang lawang ito. Labis labis na ang duming itinapon at patuloy pang itinatapon sa Laguna de Bai. Ilang taon pa ang nalalabi bago mamatay ang lawa tulad ng pagkamatay ng Ilog Pasig?

"Laguna Bay" kung tawagin ang malaking lawa sa Laguna, na ang dating pangalan ay "Laguna de Bai", kahit na ang bayan ng Bai (Bae) ay isa lamang sa tinawatawag na "lake towns", ang mga bayan na nakapalibot sa lawa, tulad ng Tanay, Morong, Cainta, Pakil, Paete, Los Baņos at Calamba. Ayon sa mga kuwentong-bayan, ang pangalang "Bai" ay ang sinaunang tawag sa isang dilag, na ang kadalasang tinutukoy ay si Maria Makiling, ang diwata ng lawa at bundok ng Laguna. Sinasabing ang tuktok ng Bundok Makiling ay may hugis na tulad ng isang babaing nakahimlay, na may mahabang buhok at magandang hugis ng katawan. Minsan, naitatanong ko sa aking sarili kung ang babaing ito ay nahihimbing lamang o tuluyan nang nalagutan ng hininga dahil sa matinding pighati na dulot ng walang habas na paglapastangan ng taong bayan sa lawa. Kung hindi napigilan ng isang pamahalaang napilitan lamang na gumawa na batas na pangalagaan ang Bundok Makiling, marahil ay kalbo na rin ang bundok.

Dahil sa taguring "Laguna Bay", nalilimutan nang marami na ito ay lawa at hindi dagat. Samakatuwid, hindi makakayang lininisin ng lawa ang sarili na tulad ng dagat na may malakas na agos na siyang nagdadala ng dumi sa mas malaki pang karagatan. Sa ngayon, may buhay pa ang lawa ng Laguna, nguni't halos lahat ng isda sa lawa ay lasang burak, nangangahulugan na ang kanilang kinakain ay maruming putik na bumabalot at tumatabon sa kinakain ng isda.

Habang minamasdan ko ang larawan, pilit kong minamasid kung may sigla at ligaya ang kilos ng mga nangingisda. Gaano mang pilit ay hindi ko makitaan ng anumang sigla ang isa man sa kanila. Bagkus ay nagsasaad ng mabigat na damdamin ang kanilang pagkakayuko. Humpak ang pisngi ng mangingisdang nakatayo sa bangka, at ang nakababatang lalake na tumutulong sa kaniya ay malayo ang tingin na tila baga wala sa loob ang kaniyang ginagawa. Ano kaya ang nasa kanyang isip? Itinatanong kaya niya sa kaniyang sarili kung ano ang kahihinatnan ng kanilang pagpupursigi? Tinatanaw kaya niya ang himpapawid sa Silangan na kulimlim at walang liwanag ng pag-asa? Ano ang nasa kanyang kalooban at kamalayan na maaring gawing salamin kung saan matutunghayan ang kamalayan ng mga kabataang tulad niya? Ano ang kanilang pangarap sa buhay, sa kabila nag paghihikahos?

May isang babae sa larawan. Nakayuko rin siya at tila walang sigla. Marahil ay kapatid niya o kaya'y asawa ang lalaking katabi niya. Ito kaya ay nangangahulugan na tumutulong lamang siya sa may-ari ng bangka nang sa gayo'y kumita ng kahit kaunti para sa kanyang pamilya? Ano ang kaniyang pangarap sa buhay, sa kabila nag paghihikahos?

Minsan ay may nakausap akong binatilyo na ang hanap-buhay ay tumulong sa mga mangingisda upang kumita ng kahit papaano. Nang araw na iyon, malungkot siya at may bahid ng galit ang kanyang mukha. Wala silang nahuling isda kundi ang kakaunting husto lamang nilang paghati-hatian at gawing ulam sa kanin ng kani-kanilang pamilya. Sabi niya sa akin ay nagalit raw ang asawa ng may-ari ng bangka sa kaniya dahil sinagot niya nang, "Hindi ko maipapangako na araw-araw ay marami kaming huling isda, dahil ang isda ay hindi tulad ng iyong mga manok at baboy na maaring alagaan sa kulungan."

Ang lupa ay maaring pagyamanin sa pamamagitan ng abono, subali't hindi gayon ang lawa at dagat. Kapag labis labis na ang dumi ng lawa, darating ang panahon na wala nang maari pang gawin upang bigyang-buhay na muli. Tuluyang mamatay ang mga isda roon, at kasabay ng pagkamatay ng mga isda ay mamatay na rin ang hanap-buhay ng mga taong umaasa lamang sa lawa para sa kanilang ikabubuhay. Sana'y hindi pa huli ang lahat; sana'y magkaroon ng pakundangan ang mga pabrika na nagbubuhos ng dumi at kemiko araw-araw sa lawa; sana'y magkaroong lakas ng loob ang taong bayan na mag-kaisa upang pigilan ang paglapastangan sa Laguna de Bai.

"O, Pilipinas kong mahal! Gumising ka, Bayan!"

Back to Galleria ni Don Genaro

Back to HOME