Make your own free website on Tripod.com

Pag-Ani

Mula kay Kakang-Gata

Nakagawian ng aking mga magulang na pagkatapos-tapos ng pasukan, pinagbabakasyon kami sa lalawigan na kanyang sinilangan, at ito'y tunay naming kinasasabikan. Sinusundo kami ng aking Lola at tuwang-tuwa kami kapag sa bus kami sumasakay dahil alam naming marami kaming makikitang magagandang tanawin.

Ang gustong-gusto kong masdan ay ang mga bukirin, lalo na ang mga palayan kapag panahon ng pag-ani. Hindi lamang tanawin ang aming kinagigiliwan, kundi ang simoy ng hangin na may samyo ng mga pinag-anihang palayan. Nasisimoy din ang tae ng kalabaw, nguni't hindi namin ito iniinda sa dahilang tuwing bakasyon lamang kami nakakakita ng kalabaw, na kadalasa'y may hinihilang paragos. Hinding-hindi ko malilimutan ang unag pagsakay namin sa paragos. Buong araw kaming nagpakabait at sinikap na huwag gambalain ang mga nakatatanda sa amin upang hindi nila bawiin ang pangako nilang sasakay kami sa paragos. Mahigit na isang oras kami sa paragos nguni't sa aming kasabikan ay parang ilang minuto lamang.

Mapalad ang aking Tio Abraham at ang kanyang maybahay na si Tia Soledad, sapagka't malapit sa ilog ang kanilang munting palayan na katabi lamang ng kanilang niyugan, kaya hindi nila gaanong kailangan ng dagdag na patubig. Ano pa ba ang hihilingin namin na ay may pagpipiliang bukid at niyugan para doon maghabulan, magtaguan, maglutu-lutuan at ng kung ano mang maisipan ng mga batang walang suliranin kundi ang maghintay ng oras ng pagkain.

Mga dalawang oras bago lumubog ang araw, umuuwi na si Tio Abraham mula sa bukid, at tuluy-tuloy siya sa batalan kung saan niya hinihugasan ang kanyang mga paa at binti ng maligamgam na tubig na laging nakahanda sa kanyang pagdating. Para daw huwag mapasma, sabi ni Tia Soledad. Doon na rin siya nagpapalit ng kanyang damit pambukid, kaya't pagpasok niya sa kabahayan ay malinis na siya. Ewan ko kung bakit ni minsa'y HIndi nag-amoy panis na pawis si Tio Abraham, di tulad ng mga taga-bukid sa kanilang nayon. Tanging ito lamang ang hindi ko magustuhan sa mga taga-bukid na kung tawagin ko sa aking murang isipan ay mga anak-pawis.

Nang tumuntong ako ng mataas na paaralan, hindi na ako pinayagang mag-bakasyon sa lalawigan, lalo na nang malamay ni Tatay na ako ay hinarana ng mga binatilyo na gustong makipagkilala sa "dalagitang taga-Maynila". Matagal bago ako muling pinayagang mag-bakasyon doon; noon na lamang malapit na akong matapos ng kurso sa pamantasan. May isip na raw ako sabi ni Tatay ay hindi ko maiisipang mag-asawa nang maaga, nguni't matindi ang aking hinala na ang kanyang ikinatatakot ay mag-asawa ako ng isang taga-bukid, isang "prubinsiyano".

Noong panahon ng aming kabataan, wala kaming karapatang usisain ang mga sinasabi ng nakatatanda sa amin kaya' sinarili ko na lamang ang aking hinala. Gayunpaman, naghihimagsik ang aking kalooban. Ano't hindi nila makita ang kabalintunaan ng kanilang sinasabing may dangal ang gawaing-bukid at mahalaga ang pagsasaka, samantalang minamaliit nila ang taga-bukid, na alangan sa kanilang anak ang isang taga-bukid lamang. Hindi naman sa mayroon akong napupusuan noon, may pagka-tomboy pa nga ako kaya't ang ang aking mga kalaro ay mga batang lalaki sapagka't yamot na yamot ako sa mga kaibigan kong babae na pinupuri naman ng mga nakatatanda dahil mahinhin daw.

Hindi naglaon ay nakadama ako ng kirot sa damdamin ng mahinuha ko ang pananaw ng karamihan sa kabukiran — na ang kabukiran ay isang magandang tanawin lamang; isang paraiso na magandang bakasyunan nguni't ang manatili at mamuhay doon ay bagay lamang sa mga anak-pawis; na ang mga taga-bukid ay may kaakit-akit na kaanyuan kung nasa malayo nguni't kapag nilapitan ay makikita ang karukhaan na hindi lang nakikita kundi naa-amoy din. Naitanong ko tuloy sa aking sarili kung ito ay nadadama ng mga magsasaka kapag nakikipag-usap sa mga "taga-Maynila" dahil sa nabanggit minsan ni Tia Soledad sa akin. Sinabi niyang lubos niyang ikinasiya na matataas ang marka ng kanyang anak na babae na tiyak magtatapos bilang "salutatorian" sa mataas na paaralan sa kabayanan, sapagka't ito raw ay nangangahulugan na may pag-asang makapag-aral sa Maynila at doon na makakuha ng hanap-buhay. Hindi ako nakaimik ng sinabi ni Tia Soledad na ayaw nilang maging katulad ng sa kanila ang kinabukasan ng kanilang mga anak.

Tunay ang sinasabi ni Florante sa kanyang kanta na masaya sa kabukiran at maririnig ang mga awit ng ibon pagkagising sa umaga. Maganda ang paligid sa kabukiran at pagsapit ng gabi ay nakatitig ang mga bituin sa mga tumitingala sa langit. Nguni't minsan lamang siyang pumunta sa bukid at kasama pa ang kanyang barkada. Naitanong kaya nila kahit sa kanilang sarili lamang kung ano ang katotohanan sa kabila ng magagandang tanawin at matamis na awit ng ibon para sa mga taga-bukid?

Back to Galleria ni Don Genaro

Back to HOME