Katutubo sa Pinatubo, 24 x 36 oil on canvas, 1992

Mula kay Kakang-Gata
"Ano ang ipinahihiwatig ng larawan?"
Nasa elementarya ako nang una kong marinig ang salitang "katutubo". Sa aking pagkaka-intindi sa paliwanag at gamit ng aming guro ng salitang "katutubo", ito ay nagsasaad ng kaibhan ng mga Pilipino sa bawa't isa; na ang mga katutubo ay iyong mga nakatira sa bundok na siyang orihinal na mga tao dito sa Pilipinas; at ang mga katutubo ay may mababang paraan ng pamumuhay na malaki ang agwat sa karaniwang tao sa Pilipinas.

Nang lumaon, hindi mawari ng musmos kong isip kung bakit ang mga Igorot, Ita, Manobo, atbp, ang siya lamang tinatawag na katutubo, gayong lahat naman ng Pilipino ay isinilang sa bansang tinatawag na Pilipinas. Subali't hindi nabigyan ng katugunan ang aking tanong at bagkus ay sinabihan akong "impertinente". Mula noon, sinarili ko na lamang ang mga tanong na tulad nito sa dahilang ikinagagalit ng mga nakatatanda sa akin, na tila baga wala akong karapatang humingi ng paliwanag tungkol sa nakikita kong kabalintunuan sa mga itinuturo nila.

Sa araling kasaysayan ng Pilipinas, nalaman kong ang orihinal na kahulugan ng "Filipino" ay ang taguri sa mga kastila na ipinanganak sa "Las Islas Filipinas" upang ipahiwatig ang kanilang pagkakaiba sa mga kastilang ipinanganak sa Espanya na tinataguriang "Peninsulares". Ang tawag sa mga katutubo ay "Indio". Sinasabi rin sa kasaysayan na si José Rizal ang "Unang Pilipino", sapagka't siya ang unang "Indio" na gumamit ng bansag na "Filipino" para sa kaniyang sarili at sa kanyang mga kasamahan na noon ay naninirahan at nag-aaral sa Europa. Bagama't malaki ang aking pag-galang, paghanga, at pagpupugay kay Gat José Rizal, lalo lamang lumabo para sa akin ang kahulugan ng pag-gamit ng mga Pilipino sa salitang "Filipino" at "katutubo".

Lumalabas na ang bansag na "Filipino" ay hiram lamang at nagsasaad ng banyagang kamalayan. Habang lumalago ang aking kaalaman mula sa pag-aaral sa pamantasan ay lalo namang dumami at tumindi ang aking mga katanungan tungkol sa tunay na diwa ng pagka-pilipino. At nang masilayan ko ang larawang "Katutubo sa Pinatubo" na ipininta ni Gene de Loyola, masasabi kong makapangyarihan ang isinasaad ng larawan sapagka't ito ay isang hamon sa bawa't Pilipino na lingunin ang kasaysayan at idilat ang kanilang mga mata at diwa. Para sa akin ang larawan ay matinding paalala sa bawa't Pilipino na lahat tayo ay Katutubo, hindi lamang iyong mga Ita sa Pinatubo.

Ngayong nasa Europa ako, nagkaroon ako ng pagkakataon na tanawin ang aking Inang Bayan at ang mga Pilipino na namumuhay sa Pilipinas at kung saan-saang dako ng daigdig. Mula nang nanirahan ako sa Europa ay hindi ko maiwasang ihambing ang diwa ng nasyonalismo rito at ang kakaibang pang-unawa ng nasyonalismo sa Pilipinas. Marami akong nababasang artikulo na nagsasabing "Proud to be Filipino" samantalang ang nakikita ko naman ay ang kabaligtaran, sapagka't halos ay sambahin nila ang kulturang amerikano at banyagang kaisipan.

Sinumang Pilipino na gumamit ng salitang "katutubo" para sa kanilang kapuwa Pilipino ay dapat makutya sa kaniyang sarili sapagka't ito ay nangangahulugan na siya ay banyaga sa kaniyang sariling bansa. Nais kong sa pamamagitan ng sanaysay na ito ay magpugay at bumati kay Gene de Loyola ng isang taos-puso at mataginting na

"Mabuhay"

Salamat, Gene de Loyola, sa iyong napapanahong paalala na tayong lahat ay Katutubo ng Bansang Pilipinas.

Back to Galleria ni Don Genaro

Back to HOME