Make your own free website on Tripod.com

Kuwentong Kutsero

Tuwing hapon puno ng tao ang magkabilang bangko sa harap ng tindahan ni Aling Tinay. Laging masigla ang usapan lalo na kapag pulitika ang usapan,ang paboritong paksa ng kutserong si Mang Ambo, ng jeepney driver na si Ka Berto, at ng istambay na si Pidong. Madalas na napapasali sa usapan ang mga bumibili dahil gusto nilang batikusin ang kanilang narinig. Tulad ngayon, nagrereklamo si Aling Doray dahil puro maliit ang bote ng klorox sa tindahan ni Aling Tinay

 

Ang Basurero  
ni Kakang-Gata


Aling Doray: Bakit ba puro maliit na bote at maliit na balot ang mga tinda mo, Tinay?

Aling Tinay: Ke aga-aga'y sam-bakol ang mukha mo, bakit ba?

Mang Ambo: (pabulong kay Ka Berto) Kelan kaya naman hindi mukhang bakol ang mukha ni Doray?

Aling Doray: Hoy, Ambo, narinig ko yang sinabi mo. Laki namang kagandahan ng bakol kesa diyan sa mukha mong pinagtampuhan ng kapalaran mula nung ginamit na kubeta nung panahon ng hapon!

Mang Ambo: Ow, ayaw mo lang aminin na hindi mo ako mapatawad dahil hindi kita niligawan... Arekupo! Bakit mo ako binatukan?

Aling Tinay: Iyan ang napapala ng mga tulad mo.... Doray, bakit kailangan mo ng maraming klorox?

Aling Doray: Lilinisin ko nang husto ang bakod dahil nanikit na ang baho nung mga plastic bag ng basura.

Ka Berto: Bakit naman kasi doon mo iniipon ang basura mo, hintayin mong dumating ang basurero.

Pidong: Ka Berto, madalang pa sa patak ng ulan sa tag-araw ang dating ng trak ng basura.

Aling Doray: Nung panahon ni Quezon, napakalinis ng lugar natin, Tumatanda yata ng paurong ang mga nagiging pangulo natin.

Ka Berto: Ibig yatang sabihin ni Doray ay palitan ang pangulo para humusay ang pagkolekta ng basura

Mang Ambo: Ano naman ang kinalaman ng pangulo ng bansa sa basura?

Aling Doray: Bulag ka ba? Kapag magaling ang pangulo, magaling din ang pag-kolekta ng basura.

Mang Ambo: Buwis nga hindi makoleta, basura pa? Inamin ni Presidente Arroyo na 20 porsiyento lang ang nakolektang buwis nung nakaraang taon.

Pidong: Dati nang ganyan ang BIR, mabilis at mahigpit mangolekta ng buwis sa mga empleyado pero hindi makayang mangolekta nang husto sa malalaking korporasyon at mayayamang pulitiko. Lahat ng naging direktor ng BIR milyonaryo na ngayon at wala akong kilalang opisyal sa BIR na walang kotse at magarang bahay.

Aling Tinay: Sino namang kilala mo sa BIR, eh, wala ka nang ginawa kundi tumambay dito sa tindahan ko?

Pidong: Hindi ko nga kilala ng personal pero hindi ba nakakapagtaka na meron silang lupa't bahay, bagong kotse taun-taon, at ang mga anak ay nasa pribadong iskuwela gayong ordinaryong empleyado lang sila?

Ka Berto: Aha, eto pa ang isa! Si Doray gustong palitan ang pangulo at ito naman si Pidong nangangarap yatang linisin ang mga basura sa BIR.

Pidong: Okey lang ang mangarap, tutal yun na lang ang libre ngayon.

Mang Ambo: Sa tingin ko mas madaling abutin ang pangarap ni Doray na palitan ang pangulo kesa linisin ang BIR.

Lahat: Siyanga! Paano?

Mang Ambo: Ano pa, eh di mag-EDSA! Nung 1986, napatalsik si Marcos at nung 1999, mas mabilis pang napatalsik si Erap. Napalitan ang pangulo pero walang pinalitan sa sistema ng gubyerno kaya, tuloy ang ligaya... nakaw dito, nakaw doon. Hindi ba niyo alam, Pilipinas na ang ikalawang pinaka-corrupt na bayan sa Asia?

Aling Tinay: Hoy, Berto, saan ka pupunta? Bigla ka na lang bang aalis ng walang paalam?

Ka Berto: Uuwi muna ako para hanapin yung uniporme ng tatay kong katipunero.

Lahat: Bakit, anong pumasok sa kukote mo?

Ka Berto: Para mag-EDSA. Hindi upang palitan ang pangulo kundi upang puksain ang kasakiman ng mga Trapo at linisin ang basura sa gubyerno. Sugod mga kapatid ! ! ! !

 

Hanggang sa muling pagkikita!

Utang ng Utang

Back to HOME