Make your own free website on Tripod.com

Kuwentong Kutsero

Tuwing hapon puno ng tao ang magkabilang bangko sa harap ng tindahan ni Aling Tinay. Laging masigla ang usapan lalo na kapag pulitika ang usapan,ang paboritong paksa ng kutserong si Mang Ambo, ng jeepney driver na si Ka Berto, at ng istambay na si Pidong. Madalas na napapasali sa usapan ang mga bumibili dahil gusto nilang batikusin ang kanilang narinig. Tulad ngayon, pinatatalunan nila ang isinulat ng isang kolumnista sa diaryo tungkol sa "military intelligence."

 

Aurora Borealis
ni Kakang-Gata

Aling Doray: Ang hirap naman dito sa kolumnistang ito sa ingles lang sumusulat kaya hindi ko lubos maintindihan ang sinasabi niya.

Mang Ambo: Iyang bang si Claro Montenegro ang tinutukoy mo?

Aling Doray: Oo, siya nga. Hindi naman siya gaanong gumagamit ng malalim na ingles, pero kung minsan ay hindi ko matarok ang kahulugan ng sinasabi niya.

Mang Ambo: Tungkol saan ba ang isinulat niya ngayon? Hindi ko pa nababasa 'yang diaryo ngayon. Pahiram nga sandali ng diaryo mo!

( Sandaling nanahimik ang mga nasa tindahan ni Aling Doray habang nagbabasa si Mang Ambo.)

Mang Ambo: Malinaw naman ang sinasabi niya na mas marami pang general sa militar kaysa mga eroplanong pang-digmaan, mga tanke at helikopter. Ano ang hindi malinaw sa 'yo?

Aling Doray: Natapos mo bang basahin ang buong artikulo? Basahin mo yung bandang huli kung saan niya sinabi na "Military intelligence is a contradiction in terms."

Mang Ambo: Sandali lang.... teka, eto yung sinasabi mo.... Aha! Ang tinutukoy niya ay yung departamento ng militar na parang katumbas ng secret service!

Pidong: Medyo lang ho, Mang Ambo, dahil ang kanilang responsibilidad ay sa mga impormasyong mahalaga sa militar at national defense.

Aling Doray: Eh, bakit niya sinabing "contradiction in terms?" Sino ba ang kinokontra nila?

Pidong: Wala hong kinokontra, Aling Doray. Kapag sinabing "contradiction in terms", ang ibig sabihin ay saliwa ang pag-gamit ng salitang "intelligence" dahil hindi "intelligent" ang militar, kaya wala silang masasabing "military intelligence."

Mang Ambo: Ano bang kabalbalan ang pinasasabi mo, Pidong, puwede ba naman silang maging general kung hindi sila matalino?

Pidong: Puwedeng-puwede ho. Sabi nga ni Claro Montenegro sa artikulo niya, ang ginagamit nang batayan ng pagiging general ay iyong tagal sa serbisyo at hindi kung ilang general ang kailangan ng ating hukbong sandatahan.

Aling Doray: Tama si Pidong. Sobrang dami na ng general natin dahil ginagamit na premyo sa malakas sumipsip sa nakatataas. Teka, eto at dumadating si Rory. Siya ang tanungin natin dahil ilang taon na siyang nag-aaral sa kolehiyo at ang Kuya niya ay nag-aaral sa PMA.... Rory, halika muna sandali at may itatanong kami sa iyo!

Rory: Ano pong itatanong niyo Aling Doray?

Aling Doray: Nabasa mo na ba itong diaryo, yung sinulat ni Claro Montenegro?

Rory: Opo, nagta-tawa nga po ako dahil dun sa sinulat niyang "Military intelligence is a contradiction in terms."

Mang Ambo: Ang ibig mong sabihin ay sang-ayon ka sa sinasabi niyang hindi matalino ang militar?

Rory: Hindi naman po niya ibig sabihin na lahat ng nasa militar ay walang talino, pero marami pong may kahinaan ang ulo at may talagang makitid ang utak, at maraming parang nakalimutan na yatang lahat ang napag-aralan nila.

Mang Ambo: Bakit mo naman nasabi 'yon?

Rory: Natatandaan po ba ninyo nung nagbakasyon ako sa Baguio para bisitahin si Kuya Luis? Dumalo kami sa isang party at maraming opisyal ang naroon, at may nakakilala akong tatlo na sa military intelligence daw sila naka-assign.

Aling Doray: Mga binata ba? Kow! Huwag kang magpapaniwala diyan sa mga sundalo, may girlfriend yang mga yan sa bawa't lugar na ma-assign.

Mang Ambo: Doray, hayaan mong matapos ang sinasabi ni Rory bago mo dalhin sa romansa ang usapan..... sige, Rory, ipagpatuloy mo ang kuwento.

Rory: Masaya sana kaming nag-uusap nang tinanong ako nung isa sa kanila... ang guwapo pa naman... kung ano ang apelyido ko. Naisip ko na may kahinaan ang ulo dahil ipinakilala ako ni Kuya na kapatid niya.

Pidong: Siguradong nakalimutan dahil sa na-TL sa beauty mo!

Aling Doray: Anong TL... anong pinagsasabi mo, Pidong?

Pidong: True love po. TL ang shortcut ng mga kabataan sa True Love.

( Nagtawanan ang lahat bukod kay Mang Ambo na mukhang nayayamot na.)

Mang Ambo: Ang gulo niyo naman kuwentuhan, hayaan niyong matapos ang kuwento ni Rory!

Rory: Eh, siguro nga nakalimutan niya na pareho kami ng apelyido ni Kuya, naisipan ko tuloy na biruin. Sabi ko ang buong pangalan ko ay Aurora Borealis!

Mang Ambo: Saan mo naman nakuha yung pangaling Borealis?

Rory: Yun na nga po ang punto! Nasa military intelligence pa naman siya, dapat alam niyang hindi apelyido ang borealis!

Aling Doray: Ano ba yung borealis?

Rory: Meron pang tinatawag na "Aurora Borealis", mga ilaw na nakikita sa kalangitan doon sa mga bansang malapit sa North Pole.

Aling Doray: Mga bituin ba 'ika mo?

Rory: Hindi po mga bituin, mga ilaw na iba't ibang kulay na parang nagsasayaw sa kalangitan.

Mang Ambo: Saan nanggaling yung mga ilaw?

Rory: Medyo mahirap po ipaliwanag sa tagalog,,,, kaya pasensiya na kayo at hahaluan ko ng ingles. Alam niyo na ang tungkol sa radiation na galing sa araw, di po ba? Iyong radiation na yun ay may mga "ions" na kapag naipon ay tinatawag na "plasma" na kapag naglalakbay patungon sa ating planeta ay tinatawag na "solar stream". Kapag naabot na nila ang "magnetic field" ng ating planeta, may hindi maka-alpas kaya kapag nakabunggo nila iyong mga "gas" sa "ionosphere", nagliliwanag yung mga partikulo nung "plasma".

Aling Doray: Ang haba naman ng paliwanag mo at hindi ko na matandaan kung ano iyong ionosphere.

Pidong: Siguro absent si Aling Doray nung araw na itinuro ng titser yung ionosphere sa klase.... arekupo... bakit niyo naman ako piningot, Aling Doray?

Aling Doray: Anong kinalaman noon sa borealis?

Mang Ambo: Alam ko na, yun ang liwanag na tinatawag na Borealis! Tama ba ako, ha, Rory?

Betty: Opo, Mang Ambo, tama kayo. Ang tawag dun sa nakikita sa Finland at sa Scotland, yung mga bansang malapit sa North Pole ay "Aurora Borealis" at ang tawag naman dun sa aurora na nakikita mula sa Australia o mga bansang malapit sa Arctic Pole ay "Aurora Australis".

Aling Doray: Borealis, Australis... kahit ano pang Lis ang itawag nila, ang maliwanag hindi apelyido ang Borealis!

Rory: Oo nga po, Aling Doray, pero hanggang sa umuwi kami, ang tawag sa akin nung lieutenant na sa military intelligence daw siya ay "Miss Borealis".

 

Hanggang sa muling pagkikita!

Panganay

Back to HOME