Kuwentong Kutsero

Tuwing hapon puno ng tao ang magkabilang bangko sa harap ng tindahan ni Aling Tinay. Laging masigla ang usapan lalo na kapag pulitika ang usapan,ang paboritong paksa ng kutserong si Mang Ambo, ng jeepney driver na si Ka Berto, at ng istambay na si Pidong. Madalas na napapasali sa usapan ang mga bumibili dahil gusto nilang batikusin ang kanilang narinig. Gaya ng dati, napunta sa usapang pulitika ang idinadaing ni Pidong tungkol sa kanyang mga kapatid.

 

Panganay
ni Kakang-Gata

Aling Doray: Bakit ba kay aga-aga, eh isang bakol iyang mukha mo, Pidong?

Pidong: Pasensiya na kayo, Aling Doray, hindi ko alam na madilim pa rin ang mukha ko.

Aling Doray: Eh, bakit naman! Ano bang pinoproblema mo eh di hamak na mas magaan ang buhay mo kaysa sa karamihan ng kabataan dito sa atin?

Pidong: Magaan sa ngayon, pero mas mabigat pa ang kapalit kung tutuusin.

Mang Ambo: Anong tutuusin?

Pidong: Sa unang tingin, higit na nakalalamang ang panganay sa magkakapatid kung ang titingnan lang ay 'yung mga ibinibigay ng mga magulang na kung minsan ay labis-labis kapag inihambing sa natatanggap ng bunso.

Ka Berto: Anong problema 'nun! Ikaw ang unang ipinanganak kaya ikaw rin ang unang mag-aaral kaya ikaw ang inuunang bigyan ng lahat ng kinakailangan sa pag-aaral.

Pidong: Tama, Ka Berto. Pero ano ang inaasahan mula sa akin? Anumang mangyari sa aking mga magulang, huwag naman sanang itulot ng panginoon.... ako ang tatayong magulang. Mabigat na responsibilidad iyan . . .

Mang Ambo: Sa tingin mo ba ay hindi mo kaya... o, ayaw mo lang kayanin?

Aling Doray: Patapusin muna ninyo si Pidong.... hale nga, Pidong, sabihin mo sa amin kung bakit mabigat iyon para sa iyo.

Pidong: Hindi pa mabigat ngayon dahil ang katayuan ko ngayon ay maitutulad sa manok na alagang-alaga pero dahil lang sa inihahanda para isabong. Mas mabuti nga lang ang kapalaran ng sasabunging manok kaysa hinaharap ng isang panganay.

Ka Berto: Anong mabuti dun, eh pag natalo, kung hindi patay ay sobrang dami ng sugat kaya gagawing tinola o adobo!

Pidong: Yun nga po ang punto, Ka Berto. Mabuti pa yung natalong manok sa sabong dahil pag namatay, tapos na ang dusa, samantalang para sa isang panganay, ang responsibilidad sa mga kapatid at tumandang magulang ay hindi lang pang-habang buhay kundi mamanahin pa ng mga anak.

Mang Ambo: Anong mamanahin ng mga anak, yun ba kamong responsibilidad?

Aling Doray: Palagay ko'y tama si Pidong. Hindi yung responsibilidad ang mamanahin kundi ang dusa ng sistema. Umiikot lang sa pamilya ang anumang pag-aari o salapi na hindi naman lumalago, bagkus unti-unting lumiliit habang patuloy silang dumadami at sila't sila rin lamang ang umiinog sa mundo ng sinasabi nating "utang na loob".

Mang Ambo: Anong kinalaman ng "utang na loob" dito, ha, Doray?

Aling Doray: Napakalaki. Tingnan mo ha! Kung hindi man lahat, halos lahat ng magulang ay naniniwalang utang ng anak ang ginawang pagkakandili sa kanila, lalo na nga kapag pinag-aral hanggang sa pamantasan. Iyan ang tinatawag nilang "utang na loob" na siyang pinakamabigat sa lahat ng utang dahil hindi kailanman mababayaran.

Pidong: Sabi ko nga'y mas mainam pang umutang sa banko ng gagastusin sa pag-aaral dahil kapag nabayaran ay tapos na, samantalang ang ginastos ng magulang ay kailangan tanawing utang na loob. Naku, Aling Doray, hindi ko akalaing kayo ang makauunawa sa aking nararamdaman!

Aling Doray: Panganay din kasi ako, pero maaga akong nag-rebelde. Nakita ko rin ang sinasabi mo, Pidong, kaya imbes na tanggapin ko ang pagpa-paaral sa akin sa pamantasan, minabuti ko pang maghanap agad ng trabaho. Kaya ayun, yung pangalawa sa akin ang kanilang pinagtapos sa pamatansan at siyang lumalagay na "panganay" ngayon. Siya ang takbuhan ng lahat ng kapatid, pamangkin, pinsan.... kow! ... lahat na yata sa angkan!

Ka Berto: Kanino pa ba naman lalapit ang sinuman kundi sa kanilang mga kaanak? Itaga mo ito sa bato... mas malapot ang dugo kaysa tubig!

Mang Ambo: Oo, nga, pero ano ang isinasaad ng mga sinasabi ninyo sa kalagayan ng buong bayan. Ang ibig niyo bang sabihin ay lahi ng mga laging nakalahad ang kamay, kung hindi man pulubi, ang mga Pilipino?

Pidong: Hindi naman sa ganoon, Ka Berto, Mang Ambo... katungkulan ng magulang na buhayin ng maayos ang mga anak, at kasama na doon ang pag-aralin hanggang sa mataas na paaralan, at iyan ay hindi dapat ituring na utang na pagbabayaran habang buhay ng mga anak nila.

Aling Doray: Tama! Naku... naalala ko tuloy na nasampal sana ako ni Tatay kung hindi napigilan ni Nanay, nung sabihin kong hindi ko hiningi o hiniling na ipanganak, kaya responsibilidad nilang buhayin ang anumang binigyang-buhay nila.

Mang Ambo: Eh, ano nga ang kinalaman nito sa pangkalahatang kabuhayan?

Aling Doray: Ano pa! Napakalinaw na ang mga Pilipino ay kapit-tuko sa kanilang pamilya at angkan dahil wala silang maaasahan sa lipunan. Hindi nga ba't sabi ni Berto ay mas malapot ang dugo kaysa tubig? Samakatuwid, iyang mga pinuno ng bayan at mga pulitiko ay nariyan sa gubyerno para sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya, hindi para sa buong bayan.

Ka Berto: Ang ibig mo bang sabihin, Doray, ay hindi na mababago iyang sistemang iyan?

Pidong: Hindi mababago ang sistema, Mang Pidong, kung ang inaasahan nating gumawa nito ay ibang tao, sa halip na umasa sa ating sarili, at kailangang umpisahan ang pagbabago sa sarili at mula sa pinakamababang baytang ng lipunan: ang pamilya.

Aling Doray: Mababago iyang sistema kung hihimayin at susuriin natin ang ibig sabihin ng "magpaka-panganay ka"!

Ka Berto: Bakit, anong mali na sabihing "magpaka-panganay ka"?

Pidong: Ang naging kahulugan ng "magpaka-panganay ka" ay maging sandalan imbes na maging huwaran at gabay ng mga nakababata. Dapat na maging pantay-pantay na ang magkakapatid kapag sumapit na sa hustong gulang; wala nang "Ate" at "Kuya".

Mang Ambo: Mahirap yatang tanggapin iyan ng pinoy dahil ang pagtawag ng "Ate" at "Kuya" ay tanda ng pag-galang. Kaya nga ang tawag kay Berto ay "Ka Berto".

Ka Berto: Ang tunay na pag-galang ay hindi nakukuha sa paggamit ng mga salitang "Ate" at "Kuya". Dito sa 'pinas, wala kang mapipitang pag-galang kung wala mahihita sa iyo. Bakit 'kamo tinatawag kang "Mang Ambo" at ako ay "Ka Berto" samantalang halos magkasing-gulang tayo; dahil ba sa kutsero ka lang at mas maliit ang kita mo kaysa akin na may jeepney?

Mang Ambo: Hindi naman siguro, pero mukhang may mahalagang punto ang sinasabi mo.

Aling Doray: Kaya ikaw, Pidong, magsumikap ka... tulad ng laging sinasabi kay John Purontong ng biyenan niya sa "John and Marsha" !

Pidong: Ang problema, Aling Doray, ay iyon lang panganay ang tinututukang magsumikap habang iyong mga nakababata ay naghihintay lang na sumandal.

Aling Doray: Aba'y akayin mo at huwag mong payagang sumandal na lang!

Ka Berto: Hindi maakay ang ayaw tumindig sa sariling paa at lumakad ng kusa... kahit pa kaladkarin mo ang mga iayn. Kapag pinilit mo, ikaw ang lalabas na masama at tataguriang makasarili at walang utang na loob.

Pidong: Naisip ko rin nga po iyan, kaya nga masama ang loob ni Tatay at ni Nanay nung sinabi kong tama na iyong dalawang taong pagtustos nila sa akin para sa aking kurso sa pamantasan, at sabi ko'y nag-apply na ako bilang "seaman".

Ka Berto: Aba'y mabuti iyang naisipan mo, Pidong! May pag-asa ka ba namang matanggap?

Pidong: Meron po, ang interview ay sa kamakalawang linggo na.

Ka Berto: Ano namang naisipan mo at "seaman" pa ang napili mo?

Pidong: Unang-una ay mataas ang sahod. Pangalawa ay makabubuti ang mapalayo hindi lang sa pamilya kundi sa bayan, dahil mapag-iisipan kong mabuti ang mga bagay-bagay.

Ka Berto: Aaahhh... ang ibig mong sabihin ay yung tinatawag na "perspective"?

Pidong: Opo!

Aling Doray: Kow... sa wakas ay mababayaran mo na ang sang-kilometrong listahan mo ng utang.... pero, alam mo ba, Pidong... hindi pa man ay nakararamdam na ako ng lumbay, dahil ang mga tulad mo ang kabataang dapat manatili sa Pilipinas para akayin ang kapuwa kabataan.

Hanggang sa muling pagkikita!

Back to HOME