Make your own free website on Tripod.com

Kuwentong Kutsero

Tuwing hapon puno ng tao ang magkabilang bangko sa harap ng tindahan ni Aling Tinay. Laging masigla ang usapan lalo na kapag pulitika ang usapan,ang paboritong paksa ng kutserong si Mang Ambo, ng jeepney driver na si Ka Berto, at ng istambay na si Pidong. Madalas na napapasali sa usapan ang mga bumibili dahil gusto nilang batikusin ang kanilang narinig. Ang naging paksa ng usapan nila ngayon ay mga titulo, prinsesa at aswang.

 

Princess Laila
ni Kakang-Gata

Aling Doray: Ano iyang mga retratong pinaka-tititigan ninyo ha, Pidong?

Pidong: Mga retrato po ni Gloria Arroyo, ipinadala ng kaibigan ni Cherry na OFW ngayon sa Japan.

Cherry: Natutuwa lang po kami na paghambingin ang mga larawan dahil iba't iba ang lumalabas na katangian. Kung minsan mukhang ubod ng talino at kung minsan sobrang tanga ang hitsura.

Mang Ambo: Hoy! Anong karapatan ninyong sabihin na mukhang tanga ang hitsura ng pangulo ng ating bansa? Hindi ba ninyo alam na iyang sinasabi niyong mukhang tanga ay my Ph.D. mula sa Unibersidad ng Pilipinas, nag-aral sa Georgetown University at nagsanay sa Harvard?

Cherry: Naku, Mang Ambo, iyan ang tinatawag na kababalaghan, ha ha ha! Gawa-gawa lang iyan ng kanyang mga PR agents para bumilib ang mga Pilipino sa kaniya.

Aling Doray: Ang ibig niyong sabihin ay hindi totoong may Ph.D siya mula sa UP?

Cherry: Ang sinasabi niyang Ph.D ay iyong titulong iginawad ng UP Diliman bilang parangal sa kaniya at ang tawag doon ay "Ph.D. honoris causa".

Mang Ambo: Ph.D pa rin!

Pidong: Hindi po, Mang Ambo, malaki ang kaibhan. Ang ibig sabihin ng "Ph.D" ay "Doctor of Philosophy", ang pinakamatayog ng mararating ng mga nag-aral sa pamantasan na nagsasaad ng ilang taong pagaaral at pagdadalubhasa sa isang sangay ng agham, pilosopiya, panitikan, atbp.

Cherry: "Observer" lang siya sa Georgetown na ang ibig sabihin ay hindi siya naka-enoll bilang estudyante, at nabasa ko pa nga na kayang lang siya nakakuha ng "observer status" sa Georgetown ay ginawang kondisyon ng tatay niyang si dating pangulong Diosdado Macapagal upang magpadala ang Pilipinas ng mga sundalo sa Vietnam.

Mang Ambo: Bakit nakakunot ang noo mo, Doray, may duda ka ba sa sinasabi ni Cherry?

Aling Doray: Hindi naman, naalala ko lang iyong titulo na iginawad sa kaniya ng Sultan ng Brunei. Samakatuwid, ang titulong Ph.D na ipinangangalandakan ni Gloria Arroyo at katulad lang ng kanyang titulong "Prinsesa Laila". Hindi siya tunay na prinsesa at hindi rin siya tunay na Ph.D.!

Cherry: Korek kaya diyan, Aling Doray! O, gusto ba ninyong tingnan itong mga retratong padala ng kaibigan ko. Nakakatawa kasi, pinakag-kaabalahan pa niyang i-printout sa computer niya dahil baka raw hindi natin nakita sa mga diaryo natin dito.

Aling Doray: Hale... tingnan ko nga! Aaahhh.... oo nga, may katuwiran kayo, pero alin dito ang retrato niyang mukhang tanga?

Pidong: Eto, po... yung sumasaludo siya, tingnan niyo

Aling Doray: Anong mukhang tanga rito, tama naman ang porma ng kamay niya sa saludo, ah!

Pidong: Hindi sumasaludo ang isang militar kung kundi naka-uniporme at walang suot na anuman sa ulo tulad ng helmet o anumang "military headgear". Siya pa naman ang Commander-in-Chief, pero maliwanag na walang muwang tungkol sa militar.

Mang Ambo: Eh, ano ngayon kung walang sombrero, bakit hindi tamang sumaludo?

Pidong: Ang pagsaludo ay katumbas ng panandaliang pagtanggal sa sombrero bilang pagpupugay o isang tanda ng pag-galang, isang kaugaliang nagmula pa sa mas matandang kaugalian na tinatawag na "lifting the visor" noong unang panahon na ang mga mandirigma ay may suot na "visor" na yari sa bakal at naitataas ang bahaging nakatabing sa mukha.

Mang Ambo: Aba, at may ibubuga pala naman itong si Pidong sa mga ganitong kaalaman. Pero bumalik tayo doon sa mga titulo ni pangulong Gloria. Bakit ba kailangan pa niyang mag-imbento ng titulo?

Cherry: Naku, ha, Mang Ambo! Para namang hindi niyo kilala ang pinoy. Kapag walang laman ang kukote, kailangang may maipakitang titulo; mas marami, mas magaling! Ang laging pintas nila kay Erap at kay "Da King" ay wala silang titulo mula sa pamantasan, kaya ang bintang nila ay walang pinag-aralan at mangmang.

Aling Doray: Samakatuwid, tayong lahat na walang Ph.D ay mangmang? Aba, naku... nanaisin ko pang tawagin ng mangmang kaysa mabistong manlilinlang!

Cherry: Korek na naman kayo, Aling Doray! Parang make-up kung gamitin nila ang mga titulo nila. Pinapaganda ng make-up ang isang babae dahil itinatago ang kapintasan at maraming retrato iyang si Arroyo na mukhang movie queen, binura yung mukha at pinintahan ng bago at di kapani-paniwalang kagandahan.

Mang Ambo: Ang sabihin mo ay nagmistulang aswang!

Aling Doray: Bakit naman aswang, Ambo?

Mang Ambo: Hindi ba't ang mga aswang ay may kapangyarihang mag-iba ng panlabas na anyo? Iyang si Gloria Arroyo, sampu ng kanyang mga alagad ay nag-iiba ng panlabas na anyo sa pamamagitan ng huwad na titulo para linlangin tayong lahat. Binubulag nila tayo upang hindi natin makita ang nakiririmarim na kabulukan ng kanilang pagkatao!

Hanggang sa muling pagkikita!

Ang Basurero

Back to HOME