Make your own free website on Tripod.com

Buhay alamang, pag lukso ay patay

Kalye Paz

Squatter pala kami noong nakatira kami sa Kalye Paz. Buong akala ko ang lupang kinatitirikan ng aming bahay ay pag-aari ni Lolo Igoy, na kung tawagin namin ay si "Amama". Sementong hagdan na lang ang natira sa dating bahay ni Lolo Igoy na nawasak noong nakaraang digmaang pandaigdig. Ayon sa mga kuwento ng mga tiyahin namin, malaki at marangya ang bahay na iyon at may mga gintong hibla ang mga puting kurtinang tumatabing sa mga bintana. Napakalayo ng agwat ng magarang bahay na iyon sa bahay na kinagisnan ko sa Kalye Paz.

Kakaiba ang bahay ni Amama — nasa harap ng bahay ang banyo at kubeta. Laging nagrereklamo iyong kapitbahay namin na ang hagdan ay halos nakadikit sa dingding ng aming kubeta. Lagi raw nangangamoy. Minsan, nagkataon na pauwi ako ng bahay nang kasalukuyang nangangalaiti iyong kapitbahay namin.

“Perwisyo talaga iyang kubeta niyo! Tuwing aakyat o mananaog kami, baho ang sumasalubong sa amin,” padabog na sabi ni Aling Fely sa akin.

Hindi mawari ng musmos kong isip ang ikinagagalit niya, kaya itinanong ko siya, “Bakit diyan ninyo inilagay ang hagdan sa tabi ng aming kubeta.”

“Ang bata-bata mo pa, isma-ismarte ka nang sumagot. Makikita mo, issumbong kita sa tatay mo!”

Isinumbong niya ako sa Tatay, pero laking pagtataka ko na hindi ako nasermonan; bagkus ay nakita kong pinipigil niyang tumawa. Gayunpaman, minabuti ko huwag nang itanong kung bakit ”palikuran” ang tawag sa kubeta kahit na ito’y nasa harapan at hindi sa likuran ng bahay.

Sakal na sakal ako sa buhay namin sa Kalye Paz dahil sa sobrang dami ng nakatira. Bukod pa sa pamilya ni Amama, doon din nakatira ang pamilya ng dalawang panganay niyang anak — si Tatay napanganay sa lahat, at si Tiya Bebeng na panganay sa mga anak na babae. Dahil lima na kaming magkakapatid at tatlo ang anak ni Tiya Bebeng, 18 ang lahat ng nakatira sa babay, bukod pa sa mga bisitang galing sa prubinsya na kung minsan ay tumitira doon ng kung ilang linggo. Para silang mga tutubi, bigla na lamang susulpot at bigla ring nawawala na parang may sinunod na planong sila lang ang nakakaalam.

Kungsabagay, masaya kaming magpi-pinsan dahil malaki ang likod-bakod na may mga punungkahoy na kapag napapanahon ay laging hitik ng bunga. Kapag gusto kong mapag-isa, umaakyat ako sa puno ng bayabas dahil may isang malaking sanga na medyo nakahilig at sa dulo ay nagsanga ng dalawa kaya parang tinidor. Doon ako dumadapo na parang ibong napagod.

Isang hapon, humahangos na dumating si Ka Petra at napasimangot ako. Mabait at maalalahanin si Ka Petra pero ang suspetsa ko ay may maluwag na turnilyo sa kanyang ulo dahil marami sa marami niyang kabalbalang nakakatawa at nakakainis. Pagka-upo niya ay bigla siyang umiyak na parang namatayan. Tiyak na may krisis na naman.

Sinabi ni Ka Petra na nawawala ng dalawa niyang anak. Iniwan niya ang limang taong gulang na si Clarita at ang pitong taong gulang na si Alma sa harap ng isang tindahan. Sinabi niyang maghintay sila doon habang hinahanap niya ang bahay ni Amama dahil hindi na niya matandaan ang patungo sa amin.

"Saang tindahan mo iniwan yung dalawa mong anak?" tanong ni Tatay na pinipigilan ang pagtawa.

"Doon nga sa tindahan na may nakasabit na mga piling ng saging," sagot naman ni Ka Petra.

"Saan nga yung tindahan?" ulit ni Tatay na mukhang mauubusan ng pasensiya.

"Hindi ko na matandaan."

"Bakit mo sila iniwan doon?" tanong naman ni Amama na kararating lang galing sa sabungan.

"Hindi ko na matandaan ang pagpunta dito, kaya sabi ko hahanapin ko muna ang bahay ni Tata Igoy at babalikan ko sila," pahikbing sagot ni Ka Petra

"Puņeta! Sobrang katangahan! Ilang ulit ka na bang nagpunta dito at hindi mo pa rin matandaan? Saang kalye yung tindahan na sinasabi mo?" galit na tanong ni Amama.

Napalunok ako. Para sa akin si Amama ang pinakamabait at magpagmahal sa lahat ng mga matatandang kilala ko. Ngayon ko lang nakitang galit na galit si Amama at mabibilang ko sa mga daliri ng kamay ko kung ulit ko siyang naring magmura ng "Puņeta!"

"Igoy, lalong matataranta si Petra sa kasisigaw mo," sabat naman ni Lola Binay.

"Hindi ko alam ang kalye, pero madaling makita yung tindahan dahil maraming nakasabit na saging, Tutulong ako sa paghahanap," sagot ni Ka Petra sa tinig na may magkahalong pangamba at pag-asa.

"Tutulong? Kanino ka tutulong? Ibig mong sabihin lahat kami ay maghahanap at tutulong ka lang?" hindi na napigilan ni Tatay ang magalit.

Ganun naman sila, tutulong at tutulong din kahit madalas na mauna ang galit at paninisi. Mahigit dalawang oras din silang naghanap bago nila natagpuan sina Clarita at Alma sa istasyon ng pulis na malapit sa istasyon ng tren. Masaya silang lahat, maliban sa akin, dahil naisip kong nadagdagan pa ang mga bubuntot sa akin.

"Hindi bale, tatakasan ko sila," sabi ko sa aking sarili, "hindi nila ako masusundan sa puno ng bayabas."

Nagkataon na may lima pang bisita si Amama na galing sa prubinsiya kaya wala akong masabi ni magawa, nang sinabihan ako ni Nanay na katabi kong matutulog si Alma. Talaga namang pag inaalat ay napaka-alat. Hindi lang kabuntot ko araw-araw ang magkapatid, katabi ko pang matutulog si Alma doon sa itaas ng "double-deck bed".

Ilang ulit kong sinabi kay Alma na huwag na huwag siyang didikit sa akin sa pagtulog at lalong huwag siyang dadantay—kamay, braso, binti, ķ paa. Tig-isa kami ng kumot kaya sabi ko sa kaniya na walang dahilan para dumikit siya sa akin.

Sabi ko kay Alma, "Sa lahat ng ayaw ko yung may dumidikit at dumadantay sa akin, kaya kung gusto mong magkasundo tayo, siguraduhin mong diyan ka sa lugar mo."

"Oo, Ate Josie, hindi kita dadantayan," masayang pangako ni Alma.

"Oo nga naman, Alma, huwag mong gitgitin ang pinsan mo" susog ni Ka Petra mula sa kanyang pagkakahiga sa banig na inilataga niya sa tabi ng "double-deck bed." Si Clarita ang katabi niyang matulog dahil na ang sabi'y natatakot daw na iwanan silang muli ng kanyang nanay.

Inilagay ko ang isang unan sa pagitan namin, at tinapik-tapik ko habang sinasabi ko kay Alma, "Eto ang boundary mo, huwag kang lalampas diyan."

Nagulantang ang buong bahay nang biglang magsisigaw si Ka Petra na kasaliw ang malakas na pag-iyak ng magkapatid na Alma at Clarita. Siguro ay hating-gabi na noon at lahat ay nahihimbing na. Nahulog pala si Alma mula sa "double-deck bed" at mabuti na lamang na doon siya bumagsak sa kulambo ni Ka Petra kaya hindi siya nasaktan.

"Sinipa niya ako, kaya ako nahulog," paiyak na sumbong ni Alma. "Para dinantayan ko lang siya, sinipa na niya ako," patuloy ni Alma na lalong inilakas ang pag-iyak.

Ewan ko kung sinipa ko nga siya dahil natutulog ako, at iyon ang sinabi ko sa mga galit na pagtatanong sa akin ni Nanay, ni Tatay, ni Ka Petra at lahat na yata ng nakatatanda sa akin. Sinipa ko ķ hindi, wala nang tumabi sa akin sa pagtulog mula noon. Hindi na rin ako pinilit ni Tatay at ni Nanay na may katabi sa pagtulog.

At alam niyo ba ang naging buhay ni Josie? Nagpaka-tandang dalaga siya, dahil nagsawa siya ng husto sa dami ng mga pinsan at pamangkin niya. Lagi niyang sinasabi, "Mahilig ako sa bata, basta hindi ko anak." At dahil sa naging eksperto siya sa pag-aalaga ng mga bata, madali siyang nakakuha ng trabaho bilang yaya at pinili niya ang pinakamalayong bansa para mag-trabahong OFW bilang yaya. Kapag nagbabakasyon siya sa Pilipinas, doon siya tumutuloy sa kamag-anak na makapagbibigay sa kaniya ng sariling kuwarto.

Hanggang sa muli...

Back to HOME