Make your own free website on Tripod.com

”Mapusok”
akda ni
Nora Albarruga


Isa na namang kaso ito ng isang pilipinang kasal sa isang hapones. Tawagin natin siyang "Elvirra". Kasal pa si Elvira sa kaniyang asawang hapon at may tatlo silang anak ng siya ay ngkaroon ng kalaguyong hapones din na kanyang pinatay at itinapon ang bangkay. Bago natin tunghayan ang kasaysayan ni Elvira, narito ang maikling paunang salita tungkol sa paraan ng imbestigasyon at paglilitis sa bansang Hapon.

Sa totoo lang ay katatapos pa lang ng paglilitis ng isang naunang kaso na ipinaglaban pa ng isang NGO na tumutulong sa mga dayuhang nakakasuhan dito sa Hapon hanggang sa Kataas-taasang Hukuman ng bansang Hapon. Sa bandang huli, dahil sa nakonsensiya na siguro iyong pilipina sa ginawa niyang pagpatay sa kalaguyo niya, ay kaniyang binawi ang lahat ng kasinungalingang sinabi niya sa unang paglilitis sa kaniya. Akala niya siguro ay malakas ang mga NGO dito sa Hapon at kayang ipalusot ang kaso niya kahit na buhay ang inagaw niya. Subali't pagdating sa pagpapairal ng batas ay walang palakasan sa Hapon, di tulad sa Pilipinas ngayon. Walang naa-absuwelto dito at hindi maaari ang pakikipag-areglo na lang sa mga kasong may buhay na nawala.

Nabigyan ang babaing tinulungan ng mga NGO ng 10 taon pagkakulong sa kasalanang pagpatay sa kaniyang kalaguyo dahil sa matinding selos. Dahil sa mga pangyayari ay hiniwalayan ang pilipina ng asawa niyang hapon at sinabihan siyang hindi na niya makikita ang kanilang anak na hindi naman niya ininda gawa ng marami palang anak ang babae na naiwan sa Pilipinas bago siya nag-asawa sa hapon.

Iba ang kahihinatnan ng kaso ni Elvirra at malamang na makulong siya ng panghabangbuhay tulad ng mga nauna sa kaniyang may kasong pagpatay na may kasamang pagnanakaw. Sa Hapon, di tulad sa Pilipinas, ang pagnanakaw ay itinuturing na isa ring mabigat na kasalanan dahil para na rin daw na inagawan ng buhay ang mga biktima nito. Dahil dito, kapag nakagawa ng dalawang kasalanan dito sa Hapon, madalas ang hatol ay bitay. Datirati ay mga hapon lang ang nabibigyan ng ganitong parusa subali't nitong mga nakaraan, dahil sa karumaldumal na gawain ng mga sindikatong intsik na pinapaslang ang pinagnanakawan nilang mga hapon at sa panunuluyan pa nila ng labag sa batas, ay ilan na ring mga intsik ngayon ang nakahilerang bitayin bilang parusa sa mga kasalanang ginawa nila.

Ang pinakamabigat na naihataw sa isang pilipino ay makulong na habangbuhay. May mga pilipinong lalaki't babaing ang sa ngayo'y nagsisilbi ng kanilang mga parusa sa bilangguan sa Hapon. Ang kapansin-pansin pa nga ay mas marami ang bilang ng mga pilipinong babae kaysa sa lalake na nahatulan ng habangbuhay. Ang karamihan ay kasabwat ng mga yakuza o tinatawag ng mga pilipino na "putol."

Gayunpaman ay binibigyan sila ng pag-asa dahil may sistema sa Hapon na pagkatapos ng 15 taon ay pinag-aaralan kung dapat o hindi bigyan ng parol ang nakabilanggo batay sa kanilang mga gawain sa loob ng bilangguan. Kung magpapakabait sila sa loob ay may pag-asa silang makalaya para na ring mabawasan ang mga pinapakain ng libre sa pamamagitan ng buwis ng mga matitinong mamamayan.

Balikan natin ngayon ang kasaysayan ni Elvira. Si Elvirra ay nakasuhan ng pagpatay, pagmamay-ari ng sandata, pagnanakaw, at pagtapon ng bangkay. Nang tanungin siya sa unang paglilitis niya kung inaamin niya ang mga bintang sa kaniya ay sumagot naman siya ng, "Opo", subali't ang ibig niyang ipalabas ay may kasalanan din ang biktima kung kaya niya pinatay iyon.

Isa si Elvirra sa mga madalas na mabalitaan nating mga pilipina na nagpapakasal sa mga hapones para lamang makatigil at makapagtrabaho ng matagal sa Hapon. Maglalabing-anim na taon pa lamang siya nang marekrut siyang pumunta sa Hapon upang magtrabaho bilang hostess. May nagyaya sa kaniyang isang pilipinang kapitbahay nila sa Pilipinas na naging Mama-san daw sa isang bar na pagmamay-ari daw ng napangasawa niyong hapon.

Dahil sa wala namang lisensiya para mag-rekrut ng mga katulad niya iyon ay hindi dumaan si Elvirra sa tamang paraan ng pagre-rekrut, at hindi siya makuhanan ng bisa sa Hapon. Dala ng kahirapan at pangarap niyang mangibangbayan ay pumayag siyang sumama sa Hapon kahit na ang pahintulot niya sa pagpasok sa Hapon ay tourist visa lamang. 1986 ang taon, at kauupo pa lamang ni Cory Aquino kaya magulo pa sa Pilipinas noon. Iyon din ang panahon na lalong dumami ang nagdagsaan sa Hapon na mga pilipina dahil sa espesyal na palugit na ibinibigay sa mga pilipinong tinaguriang "entertainer" para daw makatulong ang Hapon sa tinatawag noon na "Philippine economic recovery." Iyon din ang panahon na itinatag ng mga nagmamalasakit na pilipino ang iba't ibang organisasyon para tulungan ang mga tumatakas sa kanilang mga among salbahe.

Sa madaling salita nagpunta si Elvirra sa Hapon kasama ang isa pang na-rekrut ng kapitbahay nila na akala niya ay mabuting tao subali't pagdating sa Hapon ay hindi niya akalaing ipapasa pala siya sa iba. Mula sa paliparan ng Narita ay dinala siya at ang kasama sa probinsya, at unang gabi pa lang niya doon ay nawala na ang kaniyang kamusmusan. Hinalay siya ng pinaka-amo doon at pagkatapos ay ibinenta sa iba pang mga hapon. Kapag tumanggi siya lalo na kung kabuwanan niya ay sinasaktan siya. Lima daw silang pilipina doon at pinakamatanda na ang 19 na taon sa kanila. Sa isang araw ay mahina daw ang sampung lalaking bumibili ng aliw sa bawa't isa sa kanila.

Nang hindi na siya makatiis lalo na nang magkasakit siya sa kaniyang puwerto ay tumakas siya at nag-overstay. Nakarating siya sa Kawasaki mula sa probinsiyang pinagdalhan sa kaniya ng kanilang kapitbahay. Ang masaklap nang medyo sanay na siya sa pagtratrabaho doon ay nireyd ng mga pulis ang pinapasukan niya at siya ay nahuli kasama ng iba pa niyang mga kasamang kapareho niya. Dahil sa bata pa nga siya at wala pang isang taong nag-o-overstay ay pinauwi na lamang siya ng sapilitan at hindi na kinasuhan sa hukuman. Tamang-tamang magpapasko na noon, kaya kusang-loob naman siyang umuwi dahil sabik na rin siyang makita ang kaniyang mga magulang at mga kapatid.

Bumalik siya ngayon sa lalong matinding kahirapan sa ilalim ng bagong pamahalaan. Naalala ni Elvirra ang kahit ang kaunting kasaganaan na naranasan niya sa Hapon kaya naisip niyang bumalik kahit na sa anumang paraan at kahit na bumalik daw siya ulit sa maruming hanapbuhay. "Tutal ganoon din," ang sabi niya sa tagapagtanggol at sa tagapagsalin niya, "Mas mabuti nang hindi mamamatay ng dilat ang mga mata sa gutom."

Tamang-tama naman na may nagyaya na naman sa kaniya at naisip niyang sapat na ang kaniyang naging karanasan para hindi na siya palilinlang muli. "Pawaysan na lang," ang kaniyang naging katwiran. Kaya nakakadalawang buwan pa lang siya matapos na pauwiin ng sapilitan sa Pilipinas ay pabalik na naman siya sa Hapon. Dahil sa may nakabitin siyang kaso sa Hapon ay kinailangan niya ngayon na magpagawa ng bagong pasaporte sa pamamagitan ng isang pekeng birth certificate, at baguhin ang ayos niya. Maglalabingsiyam na taon na siya noon, subalit may bagong batas noon na kailangang 23 taon siya. Kaya medyo pinatanda ang itsura niya, at nakapasa naman siya doon sa bagong palakad na pinagsasayaw at kunwari'y sinusuri sila ng POEA, subalit pagdating sa Hapon ay hostess pa rin ang trabaho nila.

Sa madaling salita ay nakabalik si Elvirra sa Hapon. Medyo okey naman ang napuntahan niya at hindi nakikialam ang amo nila kung makipag-dohan (date) sila sa knailang mga customer. Dahil nga sa dati na siyang nagtrabaho bilang puta sa Hapon ay hindi niya inalintana kapag siya ay yayaing mag-otel ng kadeyt niyang customer lalo na kung malaki ang pabuyang ibibigay sa kaniya na may kasama pang mga alahas.

Doon sa pinagtatrabahuhan niyang pabsnak ay nakilala niya ang kaniyang naging asawang si Hiroshi na may edad na at diborsiyado. Kinailangan na niyang makapag-asawa ng hapon dahil malapit nang matapos ang anin na buwang pahintulot na ibinigay sa kaniya para makapagtrabaho sa Hapon. Tinanong niya ang hapon kung gusto siyang pakasalan. Medyo alanganin ang hapon subalit nang bandang huli ay sumang-ayon na ring pakasalan siya. Wala naman silang naging problema dahil nga sa lumalabas na nasa edad na siya kahit sa totoo pa lang ay dalaginding pa lang siya.

Ang mag-asawang Elvirra at Hiroshi ay nagkaroon ng tatlong anak, subali't hindi naging ulirang asawa at ina si Elvirra. Nasanay na siya sa pagtatrabaho sa gabi at, dahil sa madaling araw siya kung umuwi, ay hindi siya makagising ng maaga para ipaghanda ng pagkain ang kaniyang asawa at mga anak. Kaya ang asawa niyang si Hiroshi ang gumagawa ng dapat niyang gampanan bilang asawa at ina ng kanilang anak. Tuwing umaga ang lalaki ang nag-aasikaso ng kanilang mga anak, at nagluluto ng kakainin nila bago umalis ng bahay at dahil maagang umaalis si Elvirra para magtrabaho sa gabi, si Hiroshi para rin ang nag-aasikaso ng kanilang mga anak at nagluluto ng kakainin nila gabi pag-uwi niya galing sa trabaho. Kung hindi naman natutulog si Elvirra sa araw ay nandoon siya sa pachinukuhan at naglalaro maghapon ng pachinko, at doon nauubos ang ibinibigay na pera ng kanyang asawa at kinikita niya sa mise (bar).

Sa pinagtatrabahuhan niya ay madalas na magpunta si Takao, isang binata na mahilig sa mga pabsnak na may hostess na pilipina. Naging malapit ngayon si Elvirra sa lalaki dahil may itsura iyon. Siya na mismo ang nagbigay-daan para malulong si Takao sa kaniya nang yayain niya iyon sa isang otel. Bago iyon ay kung sinu-sino ang naging kalaguyo niya. May isang presidente ng isang kompaniya na nagyaya sa kaniya sa otel at madalas na katalik niya dahil ang kapalit noon ay pera para sa pagpa-pachinko niya. Iyon lang daw ang dibersiyon niya na siyang naging dahilan kung bakit hindi siya pinagtitiwalaan ng malaking pera ng kaniyang asawa na matagal nang iniisip na makipaghiwalay sa kaniya, kundi nga lang naaawa iyon sa kaniyang mga anak na ayaw niyang mawalan ng ina. Napupuno na ang kasniyang asawa sa kaniya dahil sa maraming naniningil na inutangan niya para ipambayad sa pachinko at mula pa noong nkaraang taon ay madalas na nilang pag-awayan.

Nabuhos ang damdamin ni Elvira kay Takao na tinatawagan niya at niyaya sa mise para pagkatapos ay kakain sila sa labas at magtatalik sa isang otel. Bukod pa doon ay madalas din siyang makipagtalik sa presidente ng kompaniyang tatawagin nating "Shacho" na lokong-loko din sa kaniya, hanggang sa isang araw ay naramdaman niyang kakaiba ang kaniyang pakiramdam. Dahil sa tatlo na ang kaniyang naisilang na anak ay alam niyang walang alinlangan na siya ay nagdadalangtao. Dahil matagal na rin siyang hindi nakipagtalik sa kaniyang asawa ay alam niyang hindi iyon sa kaniyang asawa kundi kay Takao o kay Shacho.

Tinawagan niya si Takao at nagkita sila sa isang otel. Nakipagtalik muna siya sa binata bago niya isiniwalat doon ang kaniyang kalagayan. Nagalit ang binata, at sinabi sa kaniya, "Paano mo nalamang akin iyan e may asawa ka? Ang dami mong lalaki, papaano mong natiyak na ako ang ama ng magiging anak mo!" Nasaktan siya at umiyak. Natakot ang lalaki na maiskandalo kaya nangakong bibigyan siya ng pera para ilaglag niya ang bata. Sinabi niyang kailangan niya ng 500,000 yen (50 lapad) para isagawa iyon. Kaya ilang araw pagkatapos niyon ay binigyan siya ni Takao ng ganoon kalaking halaga at kasama pa siya nang ilabas niyon ang pera sa bangko.

Subali't saan niya ginamit ang nakuha niyang pera? Sa pachinko! Kaya nang magkita sila ni Takao, at nakita niyon na hindi siya nagpalaglag ay sinabihan siyang ibalik niya ang perang ibinigay sa kaniya. Wala naman siyang maibalik na pera dahil nagamit na niya sa bisyo niya. Nag-ulol sa galit ang lalaki lalo na nang sabihin pa niyang hindi na niya ipapalaglag ang bata at kakailanganin pa nga niya ang mas malaking pera sa pagsisilang niya ng kaniyang sanggol.

Nang sabihin sa kaniya ni Takao na ipapa-alam ang ginawa niyang pangloloko sa asawa niya at ang kanyang pagbubuntis ay doon na nagpanting ang tainga niya. Inisip niyang bago ibulgar ni Takao ang nangyari sa kanila ay papatayin niya ang lalaki. Kaya lumipas ang ilang araw, tamang-tamang malapit na noon ang Pasko ay sinabi niya sa lalaking makipagkita sa kaniya at ibabalik na niya ang pera niyon at bibigyan pa niya ng regalo ang hapon bilang alaala ng kanilang nagiing relasyon. Pumayag naman ang lalaki at nagpasundo pa sa kaniya.

Magulung-magulo na ang isip ni Elvira noon dahil marami pang ibang naniningil na pinakaka-kakautangan niya. Naisip niyang wala na siyang lulusutan sapagka't galit na rin ang kaniyang asawang si Hiroshi dahil sa patong-patong na ang utang niya; at kailangan niyang kitlan ng buhay ang kalaguyo para hindi mabisto ng kaniyang asawa ang pagdadalangtao niya at hindi nang hindi na maragdagan ang galit niyon sa kaniya. Sa isang banda, ang asawa niya ay inisip lamang na tumataba siya kaya lumalaki ang kaniyang tiyan na pinagkakaipit-ipit niya para nga hindi mabisto ang tunay na kalagayan niya.

Nang huling gabing na nakipagkita siya kay Takao ay nagdala siya ng kutsilyo dahil balak na niyang tapusin ang buhay niyon. Sinundo niya si Takao sa tinitirahan niyon, at doon sila pumunta sa isang parke na walang katao-tao kapag taglamig. Doon sinumbatan si Elvirra ng husto ng lalaki lalo na sa mga pagsisinungaling niya. Umakyat ang dugo sa ulo niya nang ipilit ng lalaki na isusumbong siya sa asawa niya. Nang magsisigaw siya ay sinampal siya niyon. Noon niya ngayon naalalang may dala siyang kutsilyo, sinalat niya iyon sa kaniyang bulsa, at inilabas, nang tiyempong dumungaw sa bintana ng kotse ang lalaki at sinamantala niya iyon upang saksakin iyon sa likod.

Bumaon ang buong patalim ng kutsilyo sa katawan ng lalaki. Umabot ang dulo noon sa ugat ng puso. Nagulat ang hapon, at tinangkang agawin ang kutsilyo sa kaniya subali't nanghina na iyon at humandusay sa kaniyang kinauupuan habang bumubulwak ang dugo sa bibig niyon. Nang tumihaya iyon ay isinaksak pa niyang muli ang kutsilyong hinugot niya sa likod niyon bago tuluyang nawalan ng buhay. Sa taranta niya ay hindi na niya hinugot pang muli ang kutsilyo na nakasaksak pa sa dibdib ng lalaki.

Pinaandar niya ang kaniyang sasakyan at umakyat ng bundok. Humanap siya ng pagtatapunan ng bangkay, at doon sa isang matirik na daan ay may banging papuntang dagat. Doon niya itinapon ang bangkay na inaasahan niyang maaagos sa dagat subali't ang nangyari ay hindi iyon bumagsak sa dagat kundi nasabit sa isang nakausling bato. Kinabukasan nang magliwanag ay kitang-kita ng mga nagdadaan ang bangkay na nakasabit sa may bangin at ipinaalam iyon sa pulisya. Agad namang nalaman kung sino ang bangkay dahil sa nai-report na ng mga kasamahan sa tinitirahan ni Takao ang hindi niya pag-uwi nang nakaraang gabi.

Nag-alala ang isang kasama ni Takao sa bahay lalo na't nabanggit niyon sa kanya ang tungkol sa banta ni Elvirra. At sa ginawang pangunang imbestigasyon ay lumabas ang pangalan ni Elvirra, kaya nang ihambing ang tatak ng daliri na nakabakat sa kutsilyo sa nakuha ng mga pulis na tatak ng daliri ni Elvirra na nasa kaniyang Alien Registration ay inakala ng mga pulis na siya ang may kasalanan ng pagpatay sa kalaguyo. Gusto man niyang ipagkaila ang mga pangyayari ay nakuha ng mga pulis ang ebidensiya ng pitaka at cash card ni Takao sa bahay niya. At wala siyang alibay dahil mismong anak at asawa niya ay nagsabing wala siya sa bahay noong oras na sinabi ng mga pulis na pagpatay sa biktima.

Nang mahuli siya ng mga pulis at sinimulan ang imbestigasyon ay napadali ang panganganak ni Elvirra, kaya naantala ng isang buwan ang pag-imbestiga sa kaniya. Nang makalabas siya ng ospital ay sinabihan siya ng mga may kinauukulan na ilalagay pangsamantala ang kaniyang anak sa bahay ampunan dahil ayaw namang kunin ng kaniyang asawa ang bata dahil hindi kaniya. Nais din ng asawa niyang
putulin nang tuluyan ang kaugnayan sa kaniya alang-alang sa kanilang mga anak na ibig niyang iligtas sa kahihiyang idinulot ng mga ginawa ng kanilang ina.

Ang tagapagtanggol naman ni Elvirra ay kinausap ang mga magulang ng biktima para sila ang umangkin sa isinilang na sanggol bilang palit sa anak nilang namatay, subalit tumanggi sila, kaya ang ginawa ng kaniyang tagapagtanggol ay ipina-DNA test ang bata.

Tama ang mga magulang ng biktima na tanggihang tanggapin ang batang nang lumabas na ni hindi si Takao o si Shacho ang ama.

Buhay pa ang mga magulang ni Takao, subali't ang kaniyang ina ay may malubhang sakit kung kaya hindi maipagtapat ng kaniyang ama sa ina ang nangyari sa kaniya. Nang nakaburol daw ang biktima at nandoon ang kaniyang ina, ang tanong daw niyon sa kaniyang ama ay "Sino ba ang guwapong lalaking nasa larawang nasa ibabaw ng kabaong?"

Sa ngayon ay naghihintay pa ng hatol si Elvirra subali't maliwanag ang leksyon sa kasong ito: Huwag makikiapid sa hindi asawa; iwasan ang masamang bisyo; at sana ay maging mga ulirang asawa ang mga pilipina, lalo na iyong mga inahon sa dusa at sadlak ng kanilang mga asawang hapon. Kung sila'y may mga anak ay dapat na ang kapakanan at kinabukasan ng kanilang mga anak ang kanilang intindihin.

Back to Pahina ni D'Yumu Yuko

Back to HOME