"Marahil ay Buo Pa Rin Ang Aking Pamilya"
ni Nora Albarruga

 

"Dalawang taon lang ako doon," ang sabi ni Manuel sa asawa niya nang magpaalam siyang makikipagsapalaran sa Hapon. Inakala niya kasi na sa loob ng dalawang taon ay makakaipon na siya para ipambayad sa mga naging utang nila dahil sa nangyaring salanta nang pumutok ang Mt. Pinatubo. Isa sa mga natabunan ng abo ng bulkan ang kanilang probinsiya, at ang kanilang bukid ay di lang natabunan ng lahar kundi tuluyan nang naglaho at naging malaking lawa. Napilitan silang mangibang bayan at makisilong sa mga kamag-anak.

Isang pinsan niya na asawa ng isang hapones ang umuwi nang mabalitaan ang nangyari sa kanilang probinsiya. Naawa ang pinsan niya na nagsabing tutulungan siya para makapunta sa Hapon. Pinautang pa siya ng pamasahe at ipapakitang "show money" sa pagpasok sa Hapon. Nabalitaan niyang malaki ang ipinapadalang pera niyon sa naiwang mga anak, magulang at kapatid sa Pilipinas matapos na makapag-asawa iyon ng isang hapones.

Isang katutak na kamag-anak ang naghatid sa kaniya sa NAIA. Tatlong jeepney ang inarkila nila para makasama ang lahat ng gustong maghatid sa kaniya. Magkahalong saya, takot at pangamba ang naramdaman niya dahil sa iyon ang unang biyahe niya patungo sa ibang bansa. Ang pinakamalayong narating niya sa tanang buhay niya ay Quiapo lamang sa Maynila. Ngayon pupunta pa siya sa isang bansa na hindi niya maintindihan ang wika. Ingles nga lang ay hindi siya makapagsalita gawa nang 2nd year high shool lang ang natapos niya. Iyon din ang dahilan kung bakit niya ninais na magtrabaho sa ibang bansa. Gusto niyang makatuntong ng pamantasan ang kaniyang tatlong anak, isang babae at dalawang lalaki.

Sa madaling salita ay nakarating siya na maluwalhati sa Hapon. Ang kaso ay nagkahigpitan at wala ngayon siyang mapasukan dahil sa maraming mga kompaniya ang naging maingat sa pagtanggap ng mga walang bala (bisa o pahintulot na manuluyan ng matagal at magtrabaho sa Hapon). Lalo tuloy siyang nabaon sa utang sa pinsan niya, na nang lumaon ay madalas siyang paringgan. Kaya sa galit niya ay lumipat siya ng tirahan at nakitira sa isang pilipinong nakilala niya sa simbahan at nangakong ipapasok siya ng trabaho sa isang konstruksiyon. Limang buwan din siyang napatambay. Subalit dahil nga sa malaki ang tubo ng utang niya ay hindi siya magkanda-ugaga sa paghahanapbuhay para mabayaran ng husto ang mga utang niya at ng kaniyang asawa na panay ang reklamo sa mga sulat sa kaniya.

Mag-iisa't kalahating taon na siya sa Hapon nang medyo gumanda ang takbo ng trabaho niya. "Subali’t talaga yatang malas ako," ang sabi niya dahil saka naman niya nabalitaan na sumama sa ibang lalaki ang asawa niya, at iniwan ang mga anak nila sa mga magulang at kapatid niya. Naawa siya hindi lang sa kaniyang mga anak kundi pati na sa kaniyang sarili. Nasuklam siya, hindi lang sa kaniyang asawa, kundi pati na sa lahat ng kababaihan. Kundi sa kaibigan niyang si Nestor ay baka nagpakamatay na siya noong malaman niya ang ginawa ng kaniyang asawa.

Naging lalong malapit tuloy siya sa kaibigan lalo na sa ginawa niyong pang-aaliw sa kaniya upang makalimutan ang mga dinadala niyang siphayo at pagkabigo sa buhay. Nabuhayan siya ng loob, at masaya ang kanilang pagsasamahan hanggang isang araw ay magdala si Nestor ng babae sa bahay nila. Buntis ang babae at sinabi sa kaniyang malapit na raw silang magpakasal ng kaniyang kasintahan. Ewan ba niya subali’t biglang nakaramdam si Manuel na matinding panibugho at galit sa babae na mabilis naman ang pakiramdam kung kaya pagkalipas ng dalawa o tatlong linggo ay nagsabi sa kasintahan na gusto niyang magbukod sila ng tirahan. Bagama't walang sinabi ang babae sa ginagawang pang-iinis ni Manuel ay alam din ni Nestor na totoo ang sumbong ng babae niya.

Isang araw ay sinabihan ni Nestor na aalis na sila ng kasintahan at kung gusto ni Manuel ay humanap na siya ng ibang kasama. Biglang nagpanting ang tainga ni Manuel subali’t hindi siya nagpahalata sa kaibigan. Hindi niya malaman kung bakit nakaramdam siya ng matinding galit at pagseselos. Para daw may nag-uudyok sa kaniyang paghigantihan si Nestor sa hindi niyon pagbibigay-pitagan sa kanilang pagkakaibigan at pinagsamahan. Pakiramdam niya ay hindi na siya papayag pang muling lokohin gaya ng ginawang panloloko ng asawa niya sa kaniya.

Dala ang pangtapiyas ng bato sa pinagtatrabahuhan ay umuwi siya ng bahay isang gabi. Nakita niyang natutulog si Nestor. Wala na noon ang kasintahan niyon na hindi na nakatiis sa mga ipinakita niyang kabastusan. "Pak!" Malakas na hampas niya sa ulo ng natutulog na kaibigan. Sabog ang ulo niyon, at tapyas ang utak na sumabog pa ang ilang bahagi sa dingding na malapit sa kinatutulugan niyon. Bigla daw siyang parang nagising sa isang malalim na panaginip. Umungol pa raw ng isang beses ang kaibigan bago tuluyan nang hindi na umimik.

Hinugasan niya ang duguan niyang mga kamay. Pagkatapos ay nagbalot na siya ng kaniyang mga damit upang tumakas. Balak niyang magtago doon sa isa pa niyang pinsan na nanunuluyan sa Yokohama na dalawang oras mula sa tinitirahan niya sa Saitama. Nang nandoon na siya ay nakita niya sa telebisyon ang balita tungkol sa pagkakatagpo sa bangkay ng kaibigan at nalaman niyang pinaghahanap siya ng mga pulis. Nabisto tuloy ng pinsan niya ang ginawa niya. Pinayuhan siyang sumuko. Lingid sa kaniya ay pinuntahan na pala ng mga pulis ang kaniyang pinsan at tinanong kung nasaan siya. Ipinagkaila naman ng kaniyang pinsan na nandoon siya. Napalubag lamang ang loob niya nang makausap niya ang panganay niyang anak at kapatid sa telepono na nasa probinsiya nila na nagsabi sa kaniyang sumuko na siya at mapapahamak ang lahat ng mga kamag-anak niya sa Hapon.

Napilitan ngayon siyang sumuko. Isinakay siya ng pinsan sa isang tren papunta sa istasyon na pag-aabangan sa kaniya ng mga pulis matapos na abisuhan ang mga iyon ng kaniyang pinsan. Inabot ng mahigit isang buwan ang imbestigasyon bago siya sinampahan ng kaso sa hukuman. Nagdadalawang isip pa siya kung talagang aaminin niya lahat ang mga kasalanan niya. Isinasalin ang mga sinasabi niya sa pamamagitan ng isang tagapagsalin sa wikang naiintindihan niya. Nang matapos ang paghuhukom sa kaniya, dahil sa bigat ng kasalanan niya ay nabigyan siya ng 12 taong parusa na makulong na may kasamang pagtratrabaho sa loob ng hukuman. Pinayuhan siya ng kaniyang tagapagtanggol na magpakabait sa bilangguan upang mapadali ang paglabas niya.

Nang mahimas-himasan siya at mapagtanto niya ang bigat ng kaniyang kasalanan ay nakaramdam siya ng malaking pagsisisi, lalo na nang malaman niya na maagang nag-asawa ang kaniyang anak na babae para makatulong sa kaniyang mga kapatid at tumayong ama't ina ng mga nakababatang kapatid. Naging mabait siya sa bilangguan dahil ibig niyang makauwi agad at makapiling ang kaniyang mga anak. Nang siya ay pasulatin ng kaniyang damdamin para sa pagpapasiya kung siya ay karapatdapat na mabigyan ng "parole," sinabi niya na pinagsisisihan niya na naging gahaman at ganid siya. "Kung hindi ako nagpadala sa sulsol ng mga kamag-anak at hindi ako umalis ng Pilipinas at nagtiyaga na lamang doon, marahil ay buo pa hanggang ngayon ang aking pamilya. Ito ang pinakamalaking kasalanang ginawa ko. Nagsisisi din ako sa ginawa kong pagpatay sa kaibigan ko. Kung hindi ako nagpunta sa Hapon ay maaaring buhay pa rin siya."

Back to Pahina ni D'Yumu Yuko

Back to HOME