Make your own free website on Tripod.com

”Siga-Sigā”
akda ni
Nora Albarruga


Nagkagulo ang mga pulis nang may natagpuang pilipino na binaril sa ulo habang natutulog. Bawal na bawal kasi ang pagmamay-ari ng baril sa Hapon at mabigat ang parusa sa ganitong uri ng krimen. Nagtaka ang mga pulis kung papaano binaril ang pilipinong nanunuluyan sa Hapon at papaano nakapasok ang baril na ginamit sa pagpatay sa kaniya, kung kapareho niyang pilipino ang gumawa ng ganoong karumal-dumal na krimen gaya ng pag-amin ng mga kasamahan sa bahay ng namatay.

Isang maliit na apartment ang tirahan ng mga pilipinong nanunuluyan at nagtratrabaho sa Hapon ng labag sa batas. Pabahay iyon ng isang construction company na pinagtatrabahuhan nila. Bali anim silang lahat na mga pilipino doon. Kalahati ng bayad sa bahay ay pinahahatian nilang anim. Ang biktima na si Alberto ang pinakapinuno nila. Maayos sila dahil sa masinop si Alberto at magaling namang makisama.

Noong una ay ayaw nilang aminin kung sino ang maaaring pagbintangan sa nangyari kay Alberto. HIndi nila sinabi na may nakakita sa pagbaril sa kaniya dahil sa takot nilang sila ang balikan ng dati nilang kasamahan na si Willy, dahil sa nabalitaan nilang sumapi iyon sa isang samahan ng mga Yakuza na Mafia ng Hapon, at hindi din nila alam kung ano ang atraso ni Alberto kay Willy.

Sabado ng gabi noon at dahil sa walang pasok kinabukasan ay gabi na silang natulog na magkakasama. Gaya nang nakagawian nila ay nag-ambagan sila sa pagbili ng beer at pangpulutang mga laman-laman ng baboy na inadobo nila. Iyon lang ang libangan nila. Si Alberto ang nagmungkahing iwasan nila ang paglabas-labas at nang makaiwas sila sa gulo na maaaring maging dahilan ng maagang pagpapauwi sa kanila sa Pilipinas nang sapilitan. Okey naman sa kanila iyon dahil sa mas nakakatipid sila at kahit papaano ay naiibsan ang kanilang kalungkutan at naiiwasan na hindi lang sila masangkot sa gulo kundi pati na sa pakikipag-ugnayan sa ibang mga babae na siya rin dahilan ng maraming nasisirang pamilya gawa ng matagal na pagkakalayo sa mga pamilya.

Dati nilang kasamahan si Willy subali't bigla iyong umalis sa hindi nila malamang dahilan. Para sa kanila ay mabuti na ring nawala siya dahil ubod daw ng yabang gawa nang datihan na sa Hapon. Nabalitaan nilang muntik nang makulong iyon kundi nga lang tinulungan ng Pasuguan ng Pilipinas nang magsumbong iyon tungkol sa pananakot ng mga hapon na pinagbibilhan niyon ng baril kasabwat ang dalawang tauhan ng pasuguan. Dahil daw sa kaniya ay napatalsik sa Hapon ang mga tauhan at bilang palit sa kaniyang pakikipagtulungan ay pinauwi na lamang siya ng sapilitan ng mga pulis at imigrasyon ng Hapon lalo na't tagapamagitan lang siya.

Nang mahuli si Willy matapos ang halos na isang buwang paghahanap sa kaniya at pagmamanman sa samahan ng mga Yakuza, nabatid ng mga pulis na may nakalistang isang dayuhan bilang pinuno niyon at nabalitang nagpagamot sa isang klinikang madalas gamitin ng mga Yakuza doon. Isang dayuhan daw iyon na nagputol ng kaniyang daliri bilang pagpapakita ng pagsisisi matapos na makagawa ng pagkakamaling makakapahamak sa kanilang samahan. Minanmanan ng pulis ang tanggapan ng samahang iyon at ilang araw din nilang pinag-aralan ang kilos ng isang dayuhan doon bago sila nagpunta doon na dala ang katibayan ng pagsasaliksik (search warrant) at pagdakip (warrant of arrest). Hinintay ng mga pulis na mag-isa lamang ang dayuhan nang sumugod sila doon. Nang tanungin nila ang dayuhan kung siya si William Villareal at pakitaan ng larawan ng mga nakatalang pumasok ng Hapon ng ibinigay sa pulisya ng Kawanihan ng Imigrasyon ay walang nagawa ang dayuhan kundi umamin na siya nga ang nabanggit na lalaki. Nakabalot pa ng gaza ang kaniyang kamay gawa nang sariwa pa ang sagot ng naputol na daliri ng lalaki.

Sa totoo lang ay pangalawang daliri na iyon na pinutol ng lalaki bilang paghingi ng tawad sa maling hakbang na maaaring makasira sa kanilang samahan at makaperhuwisyo sa kaniyang mga kasamahan. Noong una ay nang magtestigo nga siya laban sa mga kasamahan tungkol sa pag-aangkat ng baril sa isang bapor ng mga pilipinong marino doon na kasabwa't ang dalawang kawani ng Pasuguan ng Pilipinas sa Tokyo. Hindi niya akalain na susundan siya ng mga kasamahan niyang "putol" (isang tawag ng mga pilipino sa Hapon sa mga yakuza) sa Pilipinas. Humingi siya ng tawad at pinatawad lang siya nang putulin niya ang kaniyang hinliliit.

Nang barilin niya ang kasamahan sa genba na kinainggitan niya dahil gusto niyang palitan iyon bilang tagapamahala ng mga pilipinong manggagawa doon, ay nagalit na naman ang pinakapinuno ng kanilang samahan kaya bilang paghingi ng tawad ay pinutol naman niya ang kasunod na daliring kasunod ng kaniyang hinliliit. Nang madakip siya ay hindi napigilan ng kaniyang tagapagsalin na sabihan siyang mabuti na lang na hindi niya pinutol ang kaniyang hintuturo rin at kundi ay permanenteng naka-"ngatngat" ang kaniyang mga daliri!

Tatlong araw ang inabot bago siya napaamin sa kasalanan niya. Medyo nahirapan ang kaniyang tagapagsalin at ang mga pulis ay muntik-muntikan nang nawalan ng pasensiya. Ginamitan siya ng kaniyang tagapagsalin ng sikolohiya lalo na nang malaman niyon na bagong sapi siya sa Iglesia ni Kristo. Inamin din ni Willy na hindi lang pagpatay sa kapwa manggagawang pilipino ang ginawa niya kundi pati na pagho-holdap ng hindi lang isa kundi tatlo pang tindahan ng alahas sa iba't ibang parte ng Tokyo at sa tatlong istasyon ng tren. Matagal na pala siyang pinaghahanap ng mga pulis kaya lang ay hindi siya nakilala gawa nang may bigote siya noon at para sa mga hapon ay iisa lang ang mukha ng mga pilipino na hindi rin nalalayo sa mga Indonesian, Malaysian at Thailander. Alam na hindi siya hapon dahil hindi naman siya marunong magsalita ng tamang wikang hapon.

Nalaman ng mga pulis na hindi lang iyon ang unang pagkakataon na siya ay nakapatay kundi maging sa Pilipinas ay may mga nakasalang siyang kaso sa hukuman na dalawang kaso ng pagpatay. Nalaman ng mga pulis na hindi naman sila mahirap. Dating unyonista ang ama niya sa pier hanggang sa makapunta iyon sa Amerika. Lumaki silang walang ina dahil maagang yumao ang kanilang ina. Hindi na nag-asawa ang kaniyang ama subali"t lumaki siyang salbahe dahil sa bigay layaw ang kaniyang ama na hindi maasikaso ang pag-aalaga sa kanila.

Nang una siyang nakapatay ay hindi na raw siya sinampahan ng kaso dahil bata pa siya noon at dinaan na lang sa areglo sa pamamagitan ng pagbabayad ng kanyang ama ng malaking halaga. Ganoon din ang nangyari sa iba pang kaso niya sa pagpatay sa Pilipinas. Nang sabihin niya iyon sa mga pulis na hapones ay napakamot na lang sila ng ulo gawa ng hindi nila maintindihan na ganoon pala kamura ang buhay sa Pilipinas.

Nang siya ay magpunta sa Hapon ay sinadya niyang maging malapit sa isang samahan ng mga putol. Nagsipsip siya sa pinuno ng mga iyon at siya ay naging kanang-kamay niyon hanggang sa gawin siyang "kanbu" o pinuno. Sinabihan pa siyang magrekrut siya ng iba pang mga dayuhan para lumawak ang kanilang organisasyon.

Galit na galit ang asawa ng pinatay niya at sinabi sa pulis na sana ay ibigay ang pinakamabigat na parusa sa kaniya. Nagkataon naman noon na hindi masyadong handa ang mga hapones sa Hapon parusahan ng husto ang mga dumadayong dayuhan at ang pinakamabigat na parusang ibinibigay noon ay 7 hanggang 10 taon lamang para sa pagpatay, hanggang sa magdagsaan ang mga intsik at mas grabe pa ang mga krimeng ginagawa. Ang ibinigay ngang parusa kay Willy ay 15 taon 17 taon sakahilingan ng taga-usig, subali't dahil sa kusangloob naman na ipinagtapat ni Willy ang pagnanakaw na ginawa niya ay hindi na gaanong binigyang diin ang iba pa niyang kasalanan.

Sa ngayon ay nasa kulungan pa si Willy. Ilan taon na lang ang natitira sa kaniyang parusa at lalabas na siya. Medyo bumait-bait na raw siya sabi ng mga taga-pasuguan, bagama't umiiral pa rin daw ang natural na kasalbahihan niya. Ang nakakatakot ay baka paglabas niya at mapauwi ng sapilitan ay mag-iba ng pasaporte at bumalik sa Hapon. Sana hindi na mangyari iyon dahil 35 taong gulang siya ng pumasok siya sa bilangguan at paglabas niya ay 52 na taon na siya. Mas lalo pa sigurong malaking kalagiman ang gagawin niya. Harinawang huwag naman sana.

Back to Pahina ni D'Yumu Yuko

Back to HOME