Sino ba sa Atin ang Sirâ?”

Akda ni

Nora Albarruga

 

Apat na Pilipino ang napugutan ng ulo kamakailan sa Kaharian ng Saudi Arabia. Nagpalusot ang pabayang pamahalaan ng Pilipinas na wala raw silang magagawa dahil iyon ang batas ng mga Arabo. Pero ang totoo ay may usapan na ang mga pamilya ng apat na napugutan ng ulo at ang pamilya ng mga pilipinong umamin na pinatay nila at ninakawan ng napanalunan ng biktima sa isang Lottery. Bakit hindi binigyang-halaga ng usapan ng mga pamilaya at bagkus ay itinuloy and pagpugot ng ulo sa apat na Pilipino?
— Nora Albarruga



Naalala ko tuloy ang isang Pilipinong galing sa Saudi kung saan siya nasiraan ng bait Isang gabi, naghahanda na ako ng pagtulog nang tumunog ang telepono. Sinagot ko, at ang tawag ay galing sa pulisya. Tinanong ako ng pulis na kausap ko kung puede kong subukang kausapin ang isang lalaking dinakip nila. Nangailangan ang mga pulis imbestigador ng isang taga-salin (interpreter) dahil hindi daw nila maintindihan ang sinasabi—paingles-ingles, pataga-tagalog at may ginagamit pang ibang wika na hindi nila mawari. Ipina-kausap sa akin ng pulis ang nasabing lalaki at napatunayan kong Pilipino siya dahil ang sagot niya sa akin ay Tagalog, bagama’t ang sagot niya ay hindi tugma sa tanong ko. Kaya sinabi ko sa kaniya na ibigay ulit ang telepono sa pulis na kausap ko, subali’t imbes na ibigay ang telepono sa pulis ay ibinaba ng lalaki ang telepono. Tinawagan ko ang pulis at sinabi kong magbibihis lang ako at pupunta na sa istasyon, at sinabi ng pulis na susunduin nila ako.

Nang dumating kami sa istasyon, malayo pa lang ay kumakaway na sa akin ang naturang Pilipino. ”Aba presko pa ang loko,” ang sabi ko sa aking sarili. Pumunta ako sa silid na kanyang kinalalagyan at inumpisahan ng pulis na nandoon ang imbestigasyon sa kaniya. Marunong ng kaunting ingles and pulis subali't hindi sila magkaintindihan

Hindi masyadong malinaw sa akin ang istorya, subali't ito ang buod ng malungkot niyang kasaysayan. Tawagin nating ”Juan” ang sawim-palad na Pilipinong ito, at narito ang kanyang salaysay at ang naging takbo ng imbestigasyon —

Ayon kay Juan, isa siyang OFW sa Saudi nang masaksihan niya ang pagpugot ng ulo ng kaibigan at kapitbahay niya sa Pilipinas. Ang kaniyang kaibigan ay nasangkot sa isang krimen at nahatulang mamamatay. Ang ugali pala sa Saudi ay ipinatatawag ang mga Pilipino kapag may Pilipinong pupugutan ng ulo, at isa si Juan sa kinakailangang sumaksi sa malagim na pagpatay. Pinaupo daw sila sa harapan at tamang-tamamg pagkasabi kay Juan ng kanyang kaibigan na, ”Pare, ikaw na ang bahala sa pamilya ko, ha!” ay sabay pugot ng ulo na nalaglag sa paanan ni Juan. Hinimatay si Juan at nang magkamalay ay nasa Pilipinas na siya.

Dalawang linggo pa lang daw siya nakakalabas mula sa ospital ng mga baliw sa Mandaluyong ay sinabihan siya ng kaniyang misis na kailangan niyang umalis na naman. May kakilala daw silang rekruter na tutulong sa kaniya. Umutang sila ng pera at sa madaling salita ay nakapunta ang pobre sa Hapon sa kabila ng kalagayan ng kaniyang kaisipan—inaalala pa niya kung anong nangyari sa kaniya sa loob ng dalawang taong nawala sa kaniya habang siya ay nasa ospital ng mga baliw.


Ganito ang naging takbo ng imbestigasyon —

Juan:
Naku, mabuti dumating ka. Hindi ko kasi maintindihan ang ingles ng intsik na ito. Nag-iingles, eh, para namang beho. Salamat dumating ka Liza!

Nora:
Hindi ako si Liza. Sorry ha, pero hindi ko puedeng sabihin sa iyo ang pangalan ko.

Juan: A ganoon ba. Okey lang.

Nora: Anong pangalan mo?

Juan:
Bakit mo tinatanong? May gusto ka sa akin?

Nora:
Gago, wala akong gusto sa iyo. Ano ang pangalan mo?

Juan: Kaya nga, bakit mo tinatanong kundi ka interesado sa akin? Pero, huli ka na. May asawa na ako! Binasted mo ako kasi noon.

Nora: Please, pangalan mo, pakisabi.

Juan: Mabuti akong tao, Iglesia ako ni Kristo.

Nora: Wala akong pakialam. Ano ang pangalan mo?

Juan: Ikaw ha. Komo may bagong boyfriend ka na (sabay turo sa pulis na nakatanga sa amin dahil hindi ko pa masabi ang pangalan ng lalaki) nakalimutan mo na ang pangalan ko.

Nora: Pakisabi naman ang pangalan mo, please (kabado na ako dahil galit na ang itsura ng pulis at sa palagay ko ay inaantok sapagka't lampas na ng hatinggabi).

Juan: Ayoko nga. Baka i-black mail mo pa ako.

Nora:
(Medyo galit na rin) Ano ka ba luko-luko?

Juan:
Bakit ngayon mo lang ba nalaman?

Nora:
Puwera biro. Sirâ ba ang ulo mo?

Juan: Sinabi ko na sa iyong, "Oo", bakit ayaw mo pang maniwala? Galing nga ako sa Mandaluyong!

Nora: Sa loob o labas?

Juan: Sa loob siyempre! Ano ka ba sirâ? Sino ba sa atin ang luko-luko?

Tumayong bigla ang lalaki, pumito na parang pulis, at nagsabing "Stop! Magdarasal ako! " Napatayo din ang pulis at pipigilan sana siya nang biglang humagulhol ang lalaki at nagdasal habang umiiyak subalit walang luha sa mata. Pagkatapos ay umupo ulit. Hinubad ang damit at pinahiran ang bintana ng suot niyang sando. Pagkatapos ay pinitik-pitik ang sando at nagsabing, "Kita mo. Ang daling alisin ang dumi! "

Pinagtiyagaan ko siyang kausapin para makuha ang istorya niya dahil bagama’t nagsasabi siya ng totoo ay magulo ang paglalahad niya ng nga nangyari sa kaniya at malabó ang sagot niya sa mga tanong ko. Sinabihan ko ang pulis na sa palagay ko ay sirâ ang ulo ng kausap namin.

Magkahalong awa kay Juan at galit sa mga nagpaalis sa kaniya ang aking naramdaman. Gayunman, hindi ko mapigil matawa sa mga ikinilos niya nang buong pagka-seryoso. Nagalit pa nga siya sa akin at halata daw niya na niloloko ko siya. Anak ng pusit!

Napag-alaman namin na dalawang linggo pa lang siya sa Hapon nang bumalik ang sakit niya. Nadakip siya dahil hindi niya binayaran ang kinain niyang tinapay at ininom niyang Coke. "Anong magagawa ko, e gutom na gutom na ako!" tanong ni Juan. "Sinabi ko naman na magbabayad ako, utang nga lang," patuloy ni Juan, "Wala silang tiwala sa akin. Kaya heto ako ngayon. Please pakitawagan naman ang misis ko para sunduin niya ako. Ayoko na dito kasi ang daming intsik! "

Kinabukasan, kinausap ko ang asawa ni Juan at kanyang pinatunayang totoo ang mga inpormasyong nakuha namin habang iniimbistigahan si Juan. Pinatunayan din niya na nasiraan ng bait si Juan nang mapugutan ng ulo ang kapitbahay nila sa Guadalupe. Mabuti na lang at may roundtrip ticket si Juan at nang araw ding iyon ay ipinatawag ang Philippine Embassy para sunduin siya at pauwiin.

Ito ay isang halimbawa lamang ng kung ano ang maaaring kahihinatnan ng mga Pilipinong nagpupumilit maghanapbuhay sa ibang bansa dahil sa maling palakad ng pamahalaan ng Pilipinas na siya mismong nagtataboy sa mga Pilipino na lisanin ang kanilang sariling bansa. Walang pakialam ang pamahalaan kung anuman ang mangyari sa mga OFW na tinatagurian nilang ”new economic heroes”. Awang-awa ako kay Juan, at naisip ko, gaya ng sinabi ng misis niya, "Papaano na iyan. Papaano namin babayaran yong mga inutang namin?"

Back to Pahina ni D'Yumu Yuko

Back to HOME