Kuwentong Kutsero
Tuwing hapon puno ng tao ang magkabilang bangko sa harap ng tindahan ni Aling Tinay. Laging masigla ang usapan lalo na kapag pulitika ang usapan,ang paboritong paksa ng kutserong si Mang Ambo, ng jeepney driver na si Ka Berto, at ng istambay na si Pidong. Madalas na napapasali sa usapan ang mga bumibili dahil gusto nilang batikusin ang kanilang narinig. Tulad ngayon, ang usapan tungkol sa tamang pagpapalaki ng bata ay humantong sa himagsikan sa panahon ng Katipunan.
Kutsilyo sa Kamay ng Bata
ni Kakang-Gata
Cherry: Anong oras niyo uumpisahan ang pork barbecue, Aling Doray? Gusto kong bumili ng dalawang dosena dahil may mga bisita ako mamaya.Aling Doray: Pagkatapos hiwain at timplahan ang karne. Medyo mabagal pa si Ayel dahil hindi pa sanay.
Cherry: Ang apo niyong si Ayel? Anim na taong gulang pa lang, pinahahawak niyo na ng kutsilyo?
Aling Doray: Bakit hindi? Marami nga diyan, nasa high school na, eh hindi pa marunong ng tamang gamit ng kutsilyo at itak!
Ka Berto: Nasa pagtuturo ng magulang iyan, Cherry. Kahit anong bagay ay makasasama kung hindi alam gamitin ng humahawak.
Mang Ambo: Tumpak! Katulad niyang make-up... ang daming mahilig gumamit kahit hindi marunong ng wastong estilo, kaya ayun, nagmumukhang bakla.
Cherry: Ang layo naman po ng kutsilyo sa make-up, Mang Ambo!
Aling Tinay: Sumige na naman ang dalawang matandang ito... eh, kung masugatan ang bata, hale... sinong may kasalanan?
Aling Doray: Hindi magusugatan ang bata kapag tinuruan ng wastong paggamit at diyan matututong mag-ingat ang bata. Natatandaan ba ninyo iyong kuwento ni Pidong noong isang linggo?
Ka Berto: Iyon bang ikinuwento kay Pidong nung kaibigang niya nasa Norway?
Aling Doray: Oo, iyon na nga. Naisip kong tama lang na turuan ko na itong apo ko dahil mas maaga siyang magkakaroon ng tiwala sa sarili.
Cherry: Aaahhh.... iyon po bang pagbibigay ng kutsilyong panlilok bilang graduation souvenir nung mga nakatapos na sa barnehage?
Mang Ambo: Anong barnehage?
Cherry: Doon po sa Norway, tulad ng maraming bansa sa Europa, ang mga batang may taong 3-5 taong gulang ay dinadala ng kanilang mga magulang sa barnehage, imbes na kumuha ng yaya.
Mang Ambo: Eh, ano nga ang barnehage? Iskuwela ba iyon?
Cherry: Hindi po iskuwela. Kahawig ng mga nauuso ngayon na "daycare center" pero may malaking kaibhan. Inihahanda ng barnehage ang mga bata sa pagpasok sa paaralan sa pamamagitan ng pagtuturo ng wastong asal at pakikitungo sa kapuwa nila bata at sa mga nakatatanda sa kanila.
Aling Tinay: Anong kinalaman noon sa pag-gamit ng kutsilyo?
Cherry: Tuwing hapon sa barnehage, ang minindal ng mga bata ay prutas. Bawa't isa ay nagdadala ng saging, mansanas, kahel, atbp. Mga isang oras bago ihain, hinihiwa ang mga prutas at pinaghahalo sa ilang bandehado, kaya lahat ay nakakakain ng dalang prutas nung iba. Tatlo habang limang bata ang pinatutulong sa paghihiwa at gumamit sila ng kutsilyo.
Aling Tinay: Ano pang hinihiwa nila?
Cherry: Hindi lang pagkain ang ginagamitan nila ng kutsilyo. Tinuturuan din sila ng paglilok ng mumunting bagay, at higit na matalas ang kutsilyong panlilok. Pero dahil sa tamang pagtuturo at pagsubaybay, walang disgrasya.
Mang Ambo: Hhhmmm, siguradong walang barnehage noong panahon ni Rizal at Bonifacio!
Aling Doray: Ambo! Ke taas naman ng lundag ng iyong diwa! Bakit biglang napunta kay Rizal at Bonifacio ang usapan?
Mang Ambo: Bakit ang hindi? Hanggang ngayon, pinagtatalunan pa nila kung si Rizal ay kontra sa himagsikan! Pinalalabas nilang si Bonifacio lang ang may masidhing nasa na makalaya, samantalang ang totoo'y sa pamamaraan lang nagkakaiba ang dalawa. Teka, heto, dumarating si Pidong.... Pidong! Dali ka nga at isiwalat mo sa kanila iyong binasa nating mga artikulo noong isang linggo!
Pidong: Alin pong artikulo, Mang Ambo?
Mang Ambo: Yung dalawang kilalang manunulat, ano na nga bang pangalan nung mga iyon na kinikilalang dalubhasa tungkol kay José Rizal?
Pidong: Ang tinutukoy ninyo marahil ay sina Ambeth Ocampo at si Renato Constantino. Bakit, ano po ba ang atin ngayon?
Mang Ambo: Sabi ko ay siguradong walang barnehage nung panahon ng katipunan dahil ang sinasabi ni Rizal sa halos ng kanyang panulat ay hindi pa handa ang mga pilipino kaya dapat ay mag-aral muna. Sa kabilang dako, hindi na naghintay pa si Bonifacio kung handa man o hindi, sumugod na agad dahil nabisto na ang lihim ng katipunan!
Cherry: Hi, hi, hi.... si Mang Ambo, talaga... bakit kailangan pa ng barnehage nung panahon ni Rizal?
Aling Tinay: Palagay ko, ang ibig sabihin ni Ambo ay hindi naturuan noong panahong iyon ang mga kabataan kung ano ang tunay na kahulugan ng kalayaan at himagsikan, dahil takot ang lahat na ibukang-bibig ang nasa kanilang puso at diwa. Hindi nga ba't iyan ang sinabi ni Rizal sa kanyang tula, "... tunay ngang umid yaring puso't dila.. "
Mang Ambo: Salamat, Tinay. Iyan nga ang ibig kong sabihin. Para kay Rizal, ang kalayaan ay dapat paghandaan at hindi isang pagkaing hinihintay na lamng na inihayin at handa ng kainin.
Ka Berto: Sa paniwala mo ba naman, Ambo, ay napaghandaan na nating mga Pilipino ang sinasabi mong tunay na kalayaan?
Mang Ambo: Kung ako ang tatanungin mo, ang masasabi ko ay hindi pa tayo handa....
Aling Tinay: Teka, teka... ano palang tawag mo sa himagsikang sinumulan ng Katipunan at yung himagsikan laban sa mga Amerikano?
Mang Ambo: Ikaw na mismo ang nagsabi, "sinimulan..." pero hindi natapos at hindi pa rin tinatapos. Walang ipinagkaiba iyang Himagsikan ng 1896 sa sinasabing "EDSA Revolution" daw nung 1986. Parehong sinimulan at parehong bitin.
Aling Doray: Anong bitin doon?
Pidong: Mang Ambo, puwede po bang ako ang sumagot?
Mang Ambo: Sige... ipaliwanag mo sa kanila...
Pidong: Kaya sinasabing hindi tapos, ay sa dahilang hindi nabago ang kalakaran ng lipunan at pamahalaan. Iyong dati nasa itaas at may kapangyarihan ay siya pa ring namumuno, samantalang ang karamihan ng Pilipino ay kuntento nang sumunod lamang dahil sa paniwalang wala silang hustong kakayahan na baguhin ang kinagisnang pamamalakad.
Cherry: Oo nga ano! Mula sa pagkabata, tinuruan nang sumunod na lamang sa agos.
Aling Tinay: Mahirap lumangoy ng taliwas sa agos, aba!
Aling Doray: Talagang mahirap kung hindi magsasanay. Teka, pareho din iyan ng kutsilyo sa kamay ng bata. Karamihan sa mga ina at nag-aalaga ng mga bata ay walang tiwala sa kakayahan ng isang bata na matuto hanggang hindi tumutuntong ng paaralan. Ayun.. sinasanggol ng labis, kaya nasa grade 1 na, binibihisan pa at kulang na lang ay subuan pa sa pagkain!
Ka Berto: Ang ibig mo bang sabihin, Doray, puwede ko nang turuan magmaneho ng jeep ang apo kong 14 taong gulang pa lamang?
Aling Doray: Bakit hindi, kung interesado ang bata? Hindi naman iyan nangangahulugan na puwede na siyang bigyan ng lisensiya sa pagmamaneho. Ang mahalaga ay huwag bigyan ng hangganan ang kakayahan ng isang bata. Dapat siyang bigyan ng laya na abutin ang kaya niyang marating.
Cherry: Ka Berto, ako na ang unahin mong turuan mag-maneho. Baka sakali pumayag si Daddy na ipahiram sa akin ang kotse niya.
Aling Tinay: Ay, naku, Cherry... nagbibiro ka ba, o nangangarap? Parang hindi mo narinig ang lahat ng sinasabi dito. Kahit marunong ka nang mag-maneho, may kakayahan ka na bang bumili ng sarili mong gasolina at gumugol sa pagpapa-ayos ng kotse ng tatay mo?
Ka Berto: Sa madaling salita, Cherry, hindi lang kakayahan sa pagmamaneho ang kailangan mo. Dapat mo ring tanggapin ang mga katungkulan na katapat ng iyong mga karapatan.
Pidong: Pareho rin iyan ng pagsisigarilyo. May karapatan akong manigarilyo kung may sarili na akong hanapbuhay at nang may panggastos ako sa bisyo, di ba!
Mang Ambo: Tumpak! At bago niyo sabihing sobrang taas ang lundag ng aking diwa, uunahan ko na kayo.... tigilan na natin ang kakabatikos sa kabulukan ninuman kung wala naman tayong maipakikitang mabuting halimbawa lalo na sa mga bata. Habang sinasanggol natin ang ating mga kabataan, hindi masasabing handa na tayo sa tunay na demokrasya.
Cherry: Naku, Aling Doray, ang ibig sabihin nito ay hindi na ako bibili ng maraming barbecue para sa bisita ko dahil hihingi lang akoy ng pambayad kay mommy... hihintayin ko na lang may pambili ako ng maipakakain sa bisita ko....
Hanggang sa muling pagkikita!