"Labor Pains"
by Alan Robes
(published in South China Morning Post;
can be read online at http://www.scmp.com/)


Isinalin sa tagalog ni Rosalinda Olsen

Paunang salita
Ang kahulugan ng "labor pains" ay ang matinding kirot na dinaranas ng mga babae sa napipintong pagsisilang ng kanilang sanggol na siyam na buwan nilang dinala sa kanilang sinapupunan. Samakatuwid, ang paggamit ni Alan Robles ng "labor pains" bilang pamagat ng kanyang artikulo, ay paghahambing ng paghihirap ng mga manggagawa sa kirot ng pagsisilang ng isang sanggol. Mas lalo pang masaklap na panandalian lamang ang "labor pains" ng isang magiging ina, samantalang walang humpay ang pagdurusa ng mga manggagawa sa Pilipinas, at tila walang pag-asang mabago ang ganid, mapagsamantala, at mapang-aping pamamalakad para sa mga manggagawang Pilipino

Mayo Uno – Araw ng mga Manggagawa – ay isang mahalagang araw dito sa Pilipinas, at pahahalagahan ang Mayo Uno sa loob ng isang linggo sa dating paraan. Libu-libong manggagawa ang mag-iipon ipon sa Maynila upang magmartsa sa kalye upang humingi ng taas-sahod at batikusin ang palakad pang-ekonomiya ng pamahalaan.

Mahinusay ang mga martsa at rally sa dahilang pinahalagahan ng mga dumalo ang mga payo [at babala] na mag-hunus dili. Kungsabagay may 10,000 pulis at sundalo ang matamang nagmamasid sa mga demonstrador, at malamang na naging malaking dahilan ito upang huwag magkaroon ng gulo.

May katuwirang mabahala ang pamahalaan sa mga ikinikilos at hinaing ng mga manggawa. Mabigat ang katayuan ng isang manggagawa sa Pilipinas: ang "minimum wage" ay 37.50 pesos (5.42 HongKong dollars na katumbas ng $0.12833 kulang pang 13 cents) por ora – na hindi sapat upang buhayin ang isang pamilyang bumibilang ng lima. Maraming manggagawa ang walang katiyakan sa kanilang trabaho, kakaunti ang tinatanaw na biyaya mula sa kanilang hanap-buhay, at kadalasa'y pinipiga ng husto ang bawa't patak ng pawis na halos walng kapalit na karagdagang sahod.

Napakabilis mag-altapresyon ng mga nagmamay-ari at namamalakad ng kalakal at pabrika. Marinig lang nila ang ang mga salitang "dagdag-sahod" at "organisadong manggagawa" ay kaagad ng halos atakihin sa puso at mawasak ang mga ugat na dinadaluyan ng dugo. Karamihan sa mga employer ay iginigiit na labis-labis ang sahod na ibinibigay sa manggagawa, at ang pagtataas ng minimum wage ay lubos na makasisira sa ekonomiya. Mayroon pa ngang nagmumungkahi na sakaling pilitin ng pamahalaan ang mga manggawa na tumatanggap ng mas maliit na sahod ay magre-reklamo pa rin ang mga may-ari ng kalakal at pabrika. Hindi nakapagtatakang ang kaugnanayang manggagawa at tagapamahala ay laging pagtutuos.

Isa lamang ang ibig sabihin ng lahat ng ito—na ang karaniwang manggagawa ay kadalasang busabos, kulang ang sinasahod, at inaapi. Sa kabilang dako, may masasabing ambag na kabutihan ang mga mapag-samantalang mga tagapamahala at may-ari ng mga kumpanya at pabrika na "nakatutulong" sa bansa.

Sila ang nagtataboy sa milyun-milyong Pilipino na mangibang bansa upang doon maghanap-buhay, at nang sila’y makapagpadala ng pera sa Pilipinas. Ayon sa “official statistics“ ang mga OFW ay nakapagpapdala ng halos 9 bilyon dolyares taun-taon, bukod pa sa mga ipinadadalang pera sa pamamagitan ng mga kaibigan at kapuwa OFW. Itong mga bilyun-bilyung dolyares ang tumutulong na lumutang pa rin ang ekonomiya, at hindi malayong ito lamang ang tanging sumasagip sa bansa upang hindi tuluyang malunod.

Malayong magkamit ng Nobel Prize ang artikulong ito, nguni't ito ang modelong nagsasalarawan ng mga pangyayari: Una, binubusabos ng mga nagmamay-ari at tagapamahala ang mga mangagawa; Pangalawa, napipilitang mangibang-bansa ang mga manggagawa bilang OFW; Pangatlo, nagpapadala ng dolyares ang mga OFW sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas; at, Pang-apat, ginagastos ng mga pamilya ng mga OFW ang perang padala sa kanila upang bumili ng mga kinakailangan mula sa mga ganid na may-ari ng bahaykalakal, at sa gayon ay lalo pang palakihin ang kaniling negosyo at ipagpatuloy ang kanilang mapang-api at mapag-samantalang palakad para sa mga manggagawa. (At balik na naman sa unang baytang, ang pagbusabos sa manggagawa.)

Kung titingnan ang modelong ito, mangangahulugan na malaki ang kunwa'y naitutulong ng mga tagapamahala sa kanilang paggamit ng "anti-labor practices". Marahil ay dapat pa ngang pag-ibayuhin ang maling gawi nila, bagama't maaring sabihing "suntok sa buwan" na baguhin nila ang nakasanayang "anti-labor practices" o ang pang-aalipin sa mga manggagawa.

Original Article in English

Back to HOME