”Wala Akong Kasalanan”
akda ni
Nora Albarruga


Tatawagin natin siyang Reynaldo o Rey gaya ng kahilingan niya sa isang sulat na ipinadala niya sa akin sa pamamagitan ng isang kamag-anak niya. Nabasa nila ang aking lathala sa isang pahayagang pilipino. Ibig niyang ipaalam sa may kapangyarihan ang kaniyang kalagayan at humingi ng tulong kung may magagawa pa para magkaroon ng katarungan ang inaakala niyang naging parusa sa ginawa niya.

Alam na alam ko ang kaso niya dahil sinubaybayan ko ang paglilitis niya nang ito ay isampa sa hukuman. Tatlo silang kasangkot, isang hapon at dalawang pilipino. Iyong hapon ay napawalan ng sala dahil wala namang ginawang masama kundi sumama lang sa dalawa para maging tagapagsalin nang sila ay pumunta sa talyer ng biktima tungkol sa isang kotseng binili ng kasama ni Rey na sa kaniyang pangungusap ay lumalabas na siyang may atraso doon sa kanilang naging biktima.

Ang kaso nila ay nabigong pagpatay dahil ang kanilang sinaksak ay hindi namatay at nagpatunayang siya ang may hawak ng panaksak at siya rin ang nanaksak sa biktima na isa ring dayuhan sa bansang Hapon, subalit may bala o bisa na makapagtrabaho at makapanuluyan sa Hapon. Kung papaano nangyari iyon ay wala namang nabanggit sa nangyaring paglilitis ng kanilang kaso di tulad ni Rey at ng kasama niyang si Fermin na parehong nanunuluyan at naghahanapbuhay sa Hapon ng labag sa batas.

Hanggang nitong nakaraan, bago ipinairal ang bagong batas tungkol sa pangangasiwa ng labas-pasok sa Hapon at pagkilala ng katayuan ng mga repyudyi, ay biglang dumami ang mga pilipinong nagdagsaan sa Hapon na ipinapadala ng mga rekruter na humuhuthot sa kanila ng malaking bayad, mula 120,000 piso hanggang 200,000 piso. Karamihan sa kanila ay galing Saudi na nagsiuwian sa Pilipinas nang bumagsak si Marcos dahil sa akala nila ay bubuti na ang buhay sa Pilipinas at hindi na nila kailangang mangibangbansa at magtrabaho ng malayo sa kanilang mga pamilya.

Si Fermin ay isa sa mga umuwing nasiphayo, lalo kasing naghirap ang bansa nang umupo sa Malacaņan ang biyuda ni Ninoy Aquino, at ang bansa ay hindi na nakaahon lalo sa hirap. Sinabi niya sa mga kasama sa Saudi na hindi na siya babalik doon. Gusto ni Fermin na makapiling ang kaniyang mga anak na naging kawawa dahil sa nilisan ng kaniyang asawa na sumama sa ibang lalaki gawa ng kalungkutan. Naisip niyang makipagsapalaran sa Hapon kahit na alam niyang mahirap makakuha ng bisa para magkapaghanapbuhay ng mahusay.


Noong 1989 ay dumami ang mga pilipino sa Hapon na nasangkot sa krimen, at sila noon ang pinakamarami ang bilang sa mga dayuhang lumalabag ng mga batas ng Hapon. Upang malutas ang problema, ipinatawag ang mga senador at kongresistang pilipino upang pumunta sa Hapon. Subalit nabalitang nilisan ng mga hapones ang pakikipag-usap sa mga kinatawan ng dalawang kamara ng Pilipinas nang ipagpilitan ng mga pilipino na tanggapin ng mga hapon ang mga pilipinong para sa mga hapon ay hindi nila kailangan.

Nang madakip si Fermin ay mahigit na siyang 12 taon sa Hapon
. Samantalang si Rey naman ay nakakaanim na taon pa lang sa Hapon. Binata si Rey, subalit siya ang panganay sa kanilang magkiakapatid. Nagtapos siya ng Nautical Engineering at nagtratrabaho bilang isang "Seaman" nang maisip niyang bumaba ng barko na tinatawag na "jump ship" nang yayain siya ng isang kasamahan, dahil gusto niyang matustusan ng husto ang pag-aaral ng kaniyang mga kapatid na nakakabata sa kaniya. Kulang kasi ang sahod na tinatanggap niya na lumalabas lamang na mga 500 dolyares isang buwan at iyon ay kulang na kulang para mabayaran ang matrikula ng kaniyang mga kapatid. Hindi na siya makapangligaw sa dahilang dagdag gastos pa kung siya ay mag-aasawa. Naisip niyang sumama sa kasamahan nang sabihin niyon na maliit ang 2,000 dolyares na sahod sa mga genba (construction sites) sa Hapon, at isa o dalawang taon lang ay makakaipon na sila ng tamang-tama para makapamuhay mayaman sa Pilipinas.

Ang hindi inakala ni Rey ay mahirap nang makahanap ng trabaho sa Hapon dahil sa ginagawang paghihigpit dahil sa pagdagsa sa Hapon di lang ng mga pilipino kundi iba pang manggagawang nanggaling pa kung saan-saan. Pambihira na ang kumukuha ng mga pilipino sapagka't mas malalaki ang katawan at maliliksing kumils ang mga manggagawa galing sa Gitnang Silangan tulad ng Iran at Europa tulad ng North Ireland. Napilitan ngayon si Rey na tanggapin na lang kahit na anong trabaho ang mahanap niya, at masuwerte nang makapagtrabaho siya ng 10 araw sa isang buwan. Gayumpaman ay naisip niyang mas mabuti na iyon kesa sa wala at kung tutuusin ang kita niya ay mas malaki pa rin sa tinatanggap niya sa pagtratrabaho sa isang bapor na pag-aari ng isang kompaniya sa Norway.

Mahirap ang trabahong ginagawa niya at madalas ay gusto na niyang sumuko subali't napipilitan siyang manatili sa Hapon at magtiyaga kapag nakakatanggap siya ng sulat mula sa kaniyang mga kapatid na wala namang maaasahan kundi siya, dahil ang kanilang ama ay hindi na makakilos simula nang iyon ay maatake sa puso at ang kanilang ina ang siyang nag-aalaga sa kaniya. May maliit silang taniman subalit hindi sapat ang kita mula doon para makapag-aral ang kaniyang mga kapatid. Nito ngang bago siya madakip ay magulo ang kaniyang isip dahil nabalitaan niya na isa sa mga kapatid niya ay nagkasakit ng TB.

Malaki ang pagsisisi ni Rey sa pagsama kay Fermin na nakilala niya sa pamamagitan ng kinakasama niyong pilipina na kasama nila sa kanilang simbahan. Naging parang misyonaryo isi Rey na ng bagong relihiyon na tinatawag na "Born Again". Malapit siya sa Diyos at ito ang isa mga dahilan na sinasabi niyang imposibleng makaisip siyang pumatay ng kapwa-tao lalo na't wala namang kinalaman sa kaniya at wala siyang dahilan para balikan ang taong sinabing biktima nila ni Fermin, na siyang dinihado ng nasabing biktima. Hindi niya maintindihan kung bakit maging ang hapon na kasama nila sa kanilang relihiyon ay siya ang itinuturong may hawak ng kutsilyong ginamit sa pagsaksak sa biktima. Mabuti na lang at hindi malalim ang sugat at naagapang madala sa ospital ang biktima at dahil doon ay nailigtas ang buhay niyon.

Subalit dahil sa walang umamin sa kanila ni Fermin kung sino talaga ang sumaksak sa biktima ay pareho silang nabigyan ng mabigat ng parusa. Pitong taon ang naging hatol kay Rey at Fermin at ito ay dinamdam niya ng labis na siyang dahilan ng pagkakahulog ng kaniyang kalusugan. Ang masama ay hindi ngayon siya makapagtrabaho at makaipon kahit kaunti para makatulong sa kaniyang pamilya. Sumulat siya sa Pasuguan ng Pilipinas para makatanggap ng tamang atensyon sa kalagayan ng kaniyang kalusugan.

Bago siya nahuli at nakulong ay alam na niyang may sakit siya sa bato. Madalas na sumakit ang kaniyang tiyan noon spagka't nang magpatingin siya sa isang doktor na pinagdalhan sa kaniya ng kanilang amo nang mamilipit siya sa sakit ng tiyan ay sinabi sa kaniyang may sakit siya sa bato at kailangan niyang magpa-opera. Sinabi niya sa doktor na uuwi na lang siya sa Pilipinas nang sabihin sa kaniyang malaki ang magagastos dahil wala naman siyang health insurance gawa nang hindi naman magagamit ang sinabi niyang binayaran niyang OWWA fund at health card na ipinapaubaya daw ng pamahalaan ng Pilipinas sa mga katulad niyang OFW.

Ito ang mahigpit na dahilan kung bakit gumagawa ng paraan ang kaniyang mga kapatid na mapadali ang pagpapalaya sa kaniya. Gusto nilang magkaroon ng katarungan ang nangyari sa kanilang kuya na para sa kanila ay imposibleng makagawa ng ganoong kalaking kasalanang pagtangkaang agawan ng buhay ang isang kapwa-tao niya. Ibig nilang magkaroon ng katarungan ang nangyari sa kapatid nila. Galit na galit sila kay Fermin na siyang puno't dulo ng naging problema ng kuya nila.

Sa ngayon ayon sa Pasuguan ng Pilipinas ay ginagamot si Fermin sa ospital sa loob ng bilangguan sa Hapon. Ang mangyari ay baka mailipat siya sa isang malaking bilangguan sa Tokyo dahil may bago silang ospital doon ngayon at may mga dalubhasa sa iba't ibang uri ng sakit tulad ng TB na kadalasang sakit ng mga nahuhuling galing sa mga bansa sa Asya, sakit sa bato na karamihan sa sakit ng mga nasasangkot sa droga, at diabetes. Kapapasok pa lamg nina Rey at Fermin sa bilangguan kaya aabutin pa ng mga apat o limang taon bago sila mapayagang makapanayam ng Parole Board upang alamin kung dapat o hindi sila mapalaya at pauwiin ng sapilitan sa Pilipinas.

Samantala, ang bansang Hapon ay binagong muli ang kanilang batas tungkol sa paglabas-pasok sa bansang Hapon at ginawang mas mabigat ang parusa sa mga pumapasok sa Hapon kahit na bilang entertainer na pinagsamantalahan ng Pilipinas kahit na labag sa batas ang pagpapadala ng mga dalagita't binatilyo sa Hapon bilang mga hostess. Human trafficking ang inaakalang ginagawa ng Pilipinas na ibig supilin ngayon ng pamahalaan ng Hapon.

Isa namang kongresista ng Pilipinas ang nagsampa ng protesta laban sa Hapon at nagbantang pahihirapan ang mga mangangalakal na hapon na ibig mangalakal sa Pilipinas na akala mo naman ay kaya nilang takutin ang bansang Hapon sa banta nilang gawin. Hindi nila iniisip na maraming pupuntahan ang Hapon tulad ng India na may mas magandang pakikipag-ugnayan sa Hapon.

Tungkol naman sa kaso ni Rey, walang magagawa ang pamahalaan ng Pilipinas para sa kaniya. Tapos na ang kanilang kaso at ipinawalangbisa ng Mataas na Hukuman ng Hapon ang kaniyang apela gawa nang dalawang testigo ang nakakitang siya ang may dala ng kutsilyong ginamit sa tangkang pagpatay na ginawa nila ni Fermin.

Back to Pahina ni D'Yumu Yuko

Back to HOME